Pasok sa Metro Manila sinuspinde ng Malacañang dahil sa habagat

Espana

Original Photo from www.carbay.ph

Sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa mga ahensya ng gobyerno sa Metro Manila ngayong araw kasama ang klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan makaraang bayuhin ng malalakas na pag-ulan ang Kalakhang Maynila.

Maghapong nakaranas ng matinding ulan ang Kamaynilaan dulot ng pinaigting na Habagat dahil sa bagyong Butchoy (Nepartak).

Dahil dito ay nagdesisyon ang Malacañang na suspendihin na ang pasok sa mga opisina ng gobyerno at pampublikong paaralan simula 1:00 ng hapon. 

Ang hakbang ay ginawa ni Executive Secretary Salvador Medialdea batay sa rekomendasyong ibinigay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Pasado 12:00 ng tanghali ng pormal na ilabas ng Palasyo sa Malacañang ang Memorandum No.2 na nag-aatas ng suspensyon.

Sa kabila nito hindi naman kasama sa suspensyon ang mga ahensyang direktang nagbibigay ng serbisyo para sa kalusugan at preparasyon sa mga kalamidad.

Ang Supreme Court naman sa pangunguna ni Associate Justice Antonio Carpio ay nagsuspinde rin ng operasyon ng mga korte sa buong Metro Manila.

Sa direktiba ni Carpio ay inaatasan nito ang lahat ng korte sa ilalim ng National Capital Judicial Region na magsuspinde ng operasyon sa ganap na 1:00 ng hapon dahil sa masamang lagay ng panahon.

Sa kabila nito ay inaatasan nito ang mga korte na magpanatili ng skeletal force na siyang tatanggap ng mga urgent filings sa korte.

Sa pinakahuling weather forecast ng PAGASA ganap na 5:00 ngayong hapon sinabi nitong nakalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Butchoy ganap na 3:00 ng hapon habang nauna na itong nag-landfall sa bansang Taiwan ganap na 5:00 ng umaga ngayong Biyernes.-DCR

 

Advertisements