Duterte itinangging aalisin si Sec. Yasay sa DFA

Cabinet Meeting

 President Rodrigo R. Duterte and DFA Sec. Perfecto Yasay during a cabinet meeting in Malacañang Photo by Toto Lozano/PPD

 

“He has my backing and full support.” 

Ito ang mga katagang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng mga haka haka na aalisin na umano si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay Jr. sa kanyang pwesto.

Sa isang maikli subalit diretsong mensahe sa publiko ngayong hapon sinabi ni Duterte na walang katotohanan ang naturang mga bali-balita.

 “I would like to arrest a few rumors going around that Secretary Yasay of the Department of Foreign Affairs (DFA) is on his way out. I would like to assure the Secretary that he is in good company and there is no truth to the rumor that there is a plan for his ouster, far from it actually,” pahayag ng Pangulo. 

Sinabi ni Duterte na personal niyang pinakiusapan si Yasay na sumama sa kanyang gabinete dahil sa kakayahan nito at pagiging matapat.

Paglalahad pa ng Pangulo, tinanggap ni Yasay ang posisyon sa kasunduang maglilingkod lamang ito ng ilang buwan dahil nagtuturo ito sa ilang unibersidad sa Estados Unidos.

Sinabi rin ni Duterte na ang lahat ng pahayag ng kalihim ay dumaan sa kanya.

“Yasay speaks for me. Everything that he says in public both national and international comes from my guidance,” pahayag pa ng Pangulo. 

Ang video message ay ginawa ni Duterte mahigit isang linggo matapos ilabas ng Permanent Court of Arbitration ang desisyon nito sa kasong inihain ng Pilipinas laban sa China.

Ginawa rin ni Duterte ang pahayag pagkatapos makabalik dito sa bansa ni Yasay makaraang dumalo sa Asia-Europe Meeting (ASEM) sa Mongolia. 

Matatandaan na umani ng batikos partikular sa mga netizen ang tila malamyang reaksyon ni Yasay habang binabasa ang komento ng DFA hinggil sa paborableng desisyon na natanggap ng bansa mula sa Arbitral Tribunal. 

Sa kabila nito ipinakita naman ng kalihim na hindi patitinag ang Pilipinas laban sa China kahit pa sinabi na ng gobyerno nito na balewala sa kanila at hindi nila susundin ang desisyon ng arbitral court. 

Sa ginanap na pulong ng mga sa ASEM ay iginiit ni Yasay ang ginawang ruling ng Arbitral Court at sinabing magpapatuloy ang bansa sa paghahanap ng mga paraan upang resolbahin ang isyu.

Tahasan ding kinontra ni Yasay ang nais ni Chinese Premier Li Keqiang na makipag-usap ang bansa sa China nang hindi sinasandigan ang naging desisyon ng Arbitral Tribunal.-DCR

 

Advertisements