Hontiveros dismayado sa pagpapalaya kay Arroyo

Risa

Sen. Risa Hontiveros Photo courtesy of vismin.politics.com.ph and http://www.christianlizardaligo.com

Dismayado si Sen. Risa Hontiveros sa desisyon ng Korte Suprema na palayain si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo mula sa pagkakakulong dahil sa kasong plunder.

Ang kasong plunder ay nag-ugat sa maanomalyang paglustay umano ni Arroyo sa P366 milyong pisong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula 20008 hanggang 2010.

Base sa desisyon ng Supreme Court (SC) en banc ngayong araw sa botong 11-4 ay ibinabasura nito ang kasong plunder laban sa dating pangulo dahil sa kakulangan ng ebidensya laban dito.

Sa pahayag ni Hontiveros, sa kanyang pagkakatanda umano ay matibay ang kasong inihain nila noon laban sa dating pangulo na inihain nila sa Ombudsman at sa Sandiganbayan.

Ayon pa sa senadora, kinumpirma ng Ombudsman base sa findings nito na nagkaroon ng anomalya matapos i-divert ang pondo ng PCSO upang gawing intelligence fund.  

Dahil sa desisyon ng SC ay inaasahan na makakalaya ngayong araw o hanggang bukas ang Pangulo. Tanging ang pormal na desisyon na lamang mula sa SC ang hinihintay ng Sandiganbayan bago ito maglabas ng release order para sa kongresista.

Sa kabila ng napipintong paglabas mula sa matagal na pagkaka-hospital arrest ni Arroyo, sinabi ni Hontiveros na tuloy pa rin ang kanilang laban kasabay ng pagtingin sa iba pang legal na hakbang na pwede nilang gawin upang mapanagot ang dating presidente.-DCR

Advertisements