Rep. Gloria Arroyo malaya na!

Arroyo

Former Philippine President and Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo   Image from CGMA Facebook 

Makakalaya na si dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. 

Ito ay matapos katigan ng Korte Suprema ngayong araw ang inihaing petisyon ng kampo ni Arroyo upang ibasura ang kasong plunder na inihain laban dito ng administrasyong Aquino.

Sa botong 11-4 ay kinatigan ng SC ang mosyon ng mambabatas. Ang kasong plunder na inihain kay Arroyo ay may kinalaman sa umano’y paglustay nito sa P366 milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2008 hanggang 2010.

Base sa mga paunang impormasyon mula sa ilang sources sa SC, kabilang sa mga hindi pumabor sa inihaing petisyon ni Arroyo ay sina dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa at Associate Justice Marvic Leonen.

Ang mga pumabor naman sa petisyon ni Arroyo para mabasura ang kasong plunder laban dito ay sina Justice Presbitero Velasco Jr, Justice Teresita de Castro, Justice Arturo Brion, Justice Diosdado Peralta, Justice Lucas Bersamin, Justice Mariano del Castillo, Justice Jose Perez, Justice Jose Mendoza, Justice Bienvenido Reyes, Justice Estela Perlas-Bernabe at Justice Francis Jardeleza.

Ayon kay SC Spokesman Theodore Te, base sa desisyon ng korte  immediately executory ang hatol at inaatasan ang mga kinauukulan na agad ipatupad ang desisyon ng hukuman.

Sa desisyon ng korte, kakulangan sa ebidensya laban sa dating pangulo ang isa sa mga ginamit nitong rason para mabasura ang plunder case.

Sinabi ng abogado ni Arroyo na si Atty. Raul Lambino na natutuwa ang kampo ng dating pangulo sa desisyon ng korte.

Aniya, posibleng makalabas na rin ngayong araw si Arroyo mula sa matagal na hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center kung mailalabas ng korte ang kanilang promulgasyon sa kaso.

Ang kasong plunder na may kaugnayan sa pondo ng PCSO ang huling kasong kinakaharap ng dating pangulo na siyang dahilan kung bakit ito nakakulong hanggang ngayon.

Inaasahan na ididiretso sa kanyang bahay sa La Vista, Quezon City ang dating pangulo sa sandaling maproseso na ang paglaya nito anumang oras mula ngayon.-DCR

 

Advertisements