Big time drug lord patay matapos manlaban sa PNP-AIDG

MECO TAN

Photo courtesy of Maan Macapagal/abscbnnews.com

Hindi na sinikatan ng araw ang isang big time drug lord at shabu laboratory operator matapos mapatay ng mga elemento ng Philippine National Police – Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa Valenzuela City ngayong Biyernes ng umaga.

Patay ang drug lord na si Meco Tan (Mico Tan)  matapos makipagpalitan ng putok habang nakikipaghabulan sa mga pulis gamit ang kanyang kotse pasado 4:00 ng madaling araw kanina.

Si Tan ay ilang beses nang sinubukang dakpin ng mga pulis subalit laging nakakatakas. Hanggang sa huli ay lumaban umano si Tan sa pagtatangka nitong muling takasan ang mga awtoridad.

Sisilbihan sana ng AIDG ng warrant of arrest si Tan sa tinutuluyan nitong lugar sa isang subdivision sa  AAC Henson Trading Corp. compound sa Pinagbayanan St. Brgy. Lingunan sa Valenzuela nang magtangka itong tumakas.

Dito na siya hinabol ng mga awtoridad. Sa mga paunang detalye ay nakipagpalitan ng putok ang salarin kung kaya napilitan na ang mga pulis na gumanti ng putok  na ikinamatay ng drug lord.

Isang backpack rin ang nakita  umano sa kotse ni Tan na puno ng hinihinalang shabu.

Arestado din ang dalawang lalaki at dalawang babae na pawang mga Chinese national sa bahay na tinutuluyan sa  naturang bahay sa Valenzuela na nadiskubreng isa ring drug laboratory.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang imbestigasyon ng AIDG at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lugar sa pangunguna ni Director General Isidro Lapeña.

Umabot sa siyam na kwarto ang patuloy na iniinspeksyon ng pulis sa nadiskubreng shabu laboratory. Isa sa mga kwarto ay nakitaan na ng mga shabu at bulto ng pera.

“Meron na tayong drug lord na Chinese. Hindi ‘yung puro kayo reklamo na puro mahihirap na pusher ‘yung napapatay. Drug lord talaga ito na Chinese. Malaki ‘to,” pahayag ni PNP Chief Ronald Dela Rosa matapos na magtungo agad sa lugar ng encounter. 

Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag dahil sa mga batikos ng mga kritiko ng administrasyong Duterte na puro mahihirap at hindi kilalang pusher at user ng ilegal na droga ang napapatay.

Si Tan ay kilalang operator ng shabu laboratory sa Naic, Cavite. Mayroon din umano itong laboratoryo ng shabu sa Scout Chuatoco sa Quezon City.-DCR

Advertisements