BRP Andres Bonifacio | Pilipinas muling binigyan ng barkong pandigma ng US

 

Andres Bonifacio

BRP Andres Bonifacio formerly known as USCG cutter Boutwell (Photo courtesy of Petty Officer 1st Class Rob Simpson/ www.uscg.mil)

Pormal nang tinanggap ng Philippine Navy ang ikatlong barkong pandigma ng Pilipinas mula sa United States Coast Guard (USCG) na kabilang sa mga Hamilton class cutter ship ng bansa.

Ang USCG Cutter Boutwell ay pormal na tinanggap ng bansa ngayong araw sa isang seremonya na ginawa sa Coast Guard Base sa Alameda, California.

Ang barko ay papangalan ng Philippine Navy na Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Andres Bonifacio.

Sina Rear Adm. Joseph M. Vojvodich,  Assistant Commandant for Acquisition at Chief Acquisition Officer ng USCG ang lumagda ng mga dokumento tungkol sa paglilipat sa pamamahal ng barko para sa panig ng US habang si  Rear Adm. Bayani Gaerlan naman ang lumagda para sa panig ng Pilipinas.

Ginanap ang okasyon higit dalawang linggo matapos ang makasaysayang pagkapanalo ng bansa kontra sa China sa kasong isinampa ng gobyerno tungkol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

“The Coast Guard is saddened that this cutter is no longer with our fleet, but we are also proud to send it on a new mission in the service of a great nation, under the capable watch of professional sailors and close friends. This storied ship will continue to execute vital maritime missions for the Republic of the Philippines; an important ally, as a trading partner, and as a compatriot in the struggle to preserve freedom of the seas to protect life at sea, and to combat global terror,” pahayag pa ni Vojvodich. 

Ang barko ay kaparehas ng dalawang Hamilton class cutter na natanggap ng bansa mula sa US sa ilalim ng administrasyong Aquino na pinangalanang BRP Gregorio Del Pilar at BRP Ramon Alcaraz.

Nakuha ng Pilipinas ang nasabing mga barko sa ilalim ng Excess Defense Articles program ng US. Sa ilalim ng programa ang lahat ng mga kagamitan ng US Armed Forces na naideklara nang excess ay pwedeng ibenta sa mas mababag halaga o ibigay ng Amerika sa mga kaalyado nitong bansa.

Para sa BRP Bonifacio, nakatakdang gumastos ang bansa ng $16 M para sa pagmo-modernisa at pagsasa-ayos ng barko.

Bago mapunta sa Pilipinas ay halos 50 taon ang naging serbisyo nito sa US.

Sasailalim din sa pagsasanay sa Amerika ang mga Pinoy navy crew na mangangasiwa sa BRP Bonifacio.

Inaasahan na sa darating na Oktubre ay magsisimula na itong maglayag patungo sa Pilipinas.

Ang BRP Bonifacio ay inaasahan na magpapalakas pa sa Philippine Navy na siyang magagamit naman upang magpatrolya sa mga teritoryo ng bansa tulad sa West Philippine Sea.-DCR

 

Advertisements