Carlos Celdran muling umani ng batikos dahil sa anti-Duterte comment

Celdran

Umaani ulit ngayon ng batikos ang kilalang cultural activist na si Carlos Celdran matapos ang ginawa nitong komento laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Isang edited na imahe ng Sto Niño na pinalitan ng mukha ni Duterte ang ipinost sa Facebook ng isang Max Namara. 

Sa ilalim ng larawan ay nagkomento naman si Celdran ng mga katagang “Pwet Señor” na tila mula sa pamosong linya ng mga Cebuano na “Pit Señor” tuwing Sinulog Festival. 

Ang naturang kapistahan ay alay sa Sto. Niño. 

Hindi lang kilala si Celdran na kritiko ni Duterte ngunit maging ng Simbahang Katolika.

Sa kabila nito dumepensa si Celdran at sinabing hindi ang mismong imahe ng Sto. Niño ang kanyang binabatikos. Sinabi rin niya na nakatuon ang kanyang komento kay Duterte at hindi sa iginagalang na imahe.

“Look at the meme done by a certain “Max Namara”. Is that the Santo Niño you see? No it is not. It’s a picture of Digong superimposed on the Santo Niño. Therefore, it is NOT an image of the Santo Niño at all. So if we follow logic, my reply/comment: “Pwet Señor” was aimed at Digong and NOT at the Santo Niño at all. But then again, if you cannot tell the difference between the two, that isn’t my problem anymore,” pahayag pa ni Celdran. 

Matatandaan na noong 2010 ay umani rin ng kaliwa’t kanang batikos si Celdran matapos pumasok sa Manila Cathedral habang ginaganap ang isang ecumenical service saka itinaas ang kanyang plakard na may nakasulat na “Damaso”.  Ang aktibidad ay ginawa ni Celdran bilang protesta sa pakikialam umano ng Simbahan para pigilang mapasa sa Kongreso ang Reproductive Health Law.

Si Celdran ay napatunayang nagkasala ng Manila Regional Trial Court sa kasong paglabag sa Article 133 of the Revised Penal Code. Ang kaso ay isinampa ng noon ay rector ng Manila Cathedral na si Monsignor Nestor Cerbo. Iniakyat ang kaso sa Court of Appeals kung saan kinatigan ng CA ang naunang naging desisyon ng Manila RTC.-DCR

 

Advertisements