PULIS PUSHER | Opisyal ng QCPD nanlaban, patay sa engkwentro

Castillo.png

Credit goes to the owner 

Patay ang isang “pulis pusher” na napag-alamang opisyal ng Quezon City Police – District Anti-Illegal Drugs Unit (DAID) matapos manlaban sa kanyang kapwa pulis kaninang madaling araw.

Nakilala ang napaslang na si Senior Inspector Ramon Castillo na aktibong team leader din umano ng DAID. 

Napatay si Castillo ng pinagsanib na pwersa ng QCPD at National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos ang isang buy bust operation.

Ayon kay QCPD Dir. Guillermo Eleazar, matagal na nilang sinusubaybayan si Castillo at hindi ito ang unang pagkakataon na nakabili sila ng droga sa salarin. 

Nabatid na isang operasyon ang ikinasa ng mga awtoridad sa isang fastfood chain sa bahagi ng Commonwealth at Regalado Ave. sa Quezon City.

Matapos umanong makabili ng limang pakete ng hinihinalang shabu ang mga pulis na nagpanggap na buyer ay tinangka umanong arestuhin ang salarin.

Dito na tumakas si Castillo sakay ng kanyang sasakyan patungong Regalado. 

Nagkahabulan hanggang sa tinangkang pasukin ng salarin ang Bulova Street subalit sinalubong ito ng nakasaradong gate. Dito na na-corner ang pulis kung kaya pinili na lamang nitong manlaban sa kanyang mga kapwa pulis.

Sa pagsisiyasat na ginawa sa sasakyan ni Castillo ay nakita rin dito ang iba pang pakete ng shabu.

Bukod sa baril na ginamit sa panlalaban ay nakuha din sa pag-iingat ng pulis pusher ang P1M cash.-DCR

 

Advertisements