Olympic silver medalist Hidilyn Diaz binati ng Malacañang, P5 milyon insentibo tatanggapin mula sa gobyerno

Duterte1

PH President Rodrigo Roa Duterte during the send-off ceremony for Rio 2016 Olympics athletes in Malacañang. Also in photo is Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz (second from right first row) Photo from Presidential Communications Office

Change has come!

Ito ang sinabi ng gobyerno kasabay nang pagbati Malacañang kay Rio 2016 Olympics silver medalist Hidilyn Diaz. 

Ito ay matapos makuha ng 25-anyos na weightlifter ang medalyang pilak sa nagpapatuloy na 2016 Rio Olympics sa Brazil.

Gumising ang sambayanang Pilipino sa isang magandang balita ngayong araw makaraang tapusin ni Diaz ang 20 taon na pagkauhaw ng bansa sa Olympic medal.

Sa kanyang pahayag ay ipinaabot ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang pagbati ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Diaz.

Matatandaan na mismong ang Pangulo ang nanguna sa send off ceremony sa Malacañang para sa mga atletang ipinadala sa Olimpyada sa Rio de Janeiro.

“The Philippines and the president are honored and proud of Hidilyn Diaz’s Silver Medal win at the Rio Olympics. We extend our sincerest congratulations and celebrate the end of the medal drought. Truly change has come,” pahayag pa ni Abella. 

Bukod sa iba’t ibang insentibo ay inaasahan na makakatanggap si Diaz ng P5 milyon mula sa gobyerno.

Ito ay batay sa itinatadhana ng batas na nakapaloob sa Republic Act (RA) 10699 National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 o Sports Benefits and Incentives Act of 2001.

Si Diaz ang kauna-unahang Pilipina na nanalo ng medalya sa Olympics. Siya rin ang unang atleta mula sa Mindanao na nakagawa nito at unang atleta na nakapagbigay ng Olympic medal mula sa bansa mula sa sport na weightlifting.-DCR

Advertisements