Pinay weightlifter Hidilyn Diaz sumikwat ng silver medal sa Rio 2016 Olympics

Olympic Games 2016 Weightlifting

Ang Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz matapos makuha ang silver medal sa ginaganap na Rio 2016 Olympics  (Photo courtesy of Rappler/EPA/NIC BOTHMA)

Winakasan na ni Pinay weightlifter Hidilyn Diaz ang pagkauhaw ng bansa sa medalya sa 2016 Rio Olympics. 

Ito ay matapos sorpresahin ni Diaz ang sambayanang Pilipino ngayong araw at gisingin ang buong bansa hinggil sa balitang nakakuha na muli ang Pilipinas ng medalyang pilak sa Olympics matapos ang 20 taon.

Sinikwat ni Diaz ang silver medal sa women’s 53 kilogram division sa ginaganap na Rio 2016 Olympics sa Brazil.

Ang 25-anyos na weightlifter na tubong Zamboanga City ay nagtala sa kasaysayan bilang kauna-unahang Pinay na nakakuha ng medalya sa Olympics.

Si Diaz rin ang kauna-unahang Pilipino na nakakuha ng medalya sa Olympics sa weightlifting at nagbigay ng unang medalya ng bansa mula sa isang sport na hindi boksing mula noong 1936.

Nakuha ng Pilipinas ang huling medalya nito sa Olimpyada noong 1996 Atlanta Olympics matapos makakuha si Mansueto “Onyok” Velasco ng silver medal sa boksing.

“Thank you, Lord. Kakaiba ka, Lord God. Kakaiba ka,” ito ang nasambit ni Diaz habang hinihintay ang awarding ceremony.

Sa  clean and jerk lift ay matagumpay na nabuhat ni Diaz ang 111 kilogram. Maayos din nitong nabuhat ang 112 kilogram sa kanyang pangalawang pagtatangka subalit nabigo ito sa pagbuhat ng 117 kilogram.  

Nakuha ni Hsu Shu-Ching ng  Chinese-Taipei  ang ginto para sa naturang event habang nakuntento na naman sa bronze Yoon Jin Hee ng South Korea.

Batay sa Republic Act No. 10699 o mas kilala bilang “NATIONAL ATHLETES, COACHES AND TRAINERS BENEFITS AND INCENTIVES ACT OF 2001” o  “SPORTS BENEFITS AND INCENTIVES ACT OF 2001”  si Diaz ay makakatanggap mula sa gobyerno ng P5 milyon bilang insentibo sa pagkakapanalo ng silver medal.-DCR

 

Advertisements