SENADORA HINDI RAW MATITINAG | De Lima kay Duterte: Respeto lang

“Hindi po ako matitinag.” 

Ito ang sagot ni Sen. Leila de Lima matapos siyang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw. 

Sa kanyang talumpati kanina sa Camp Crame sinabi ni Duterte na may isang senadora na mayroong umanong relasyon sa kanyang driver. Ang senadora din umanong ito ang gumastos sa pagpapatayo ng bahay ng kanyang tsuper. Noong panahon naman umano ng halalan, ang tsuper ang ginawang campaign fund collector ng senadora.

Bagama’t hindi pinangalanan agad sa naturang talumpati ay hindi doon natapos ang maaanghang na pahayag ni Duterte laban kay De Lima.

Matapos ang aktibidad sa Camp Crame ay nagtungo naman ang Pangulo sa Pasay City para bisitahin ang isang sugatang miyembro ng Philippine Navy.

Matapos nito ay isang press conference ang isinagawa kung saan tinanong ng mga ang Pangulo kung pwede nitong pangalan ang senadorang tinutukoy nito. Dito agad na tumugon si Duterte

“I can. Because it’s part of my duty. Okay naman ako. You want to know the name? De Lima.”

“You libeled me, you slandered me. I kept quiet because you are a lady. Sumobra ka na. Well maybe you won on the platform of human rights. Ang bugok namang Pilipino naniwala sa iyo. ‘Yung bumoto lang din sa iyo,” pahayag  pa ni Duterte sa press conference.

Naging mas matalas sa kanyang pananalita ang Pangulo matapos ikasa ni De Lima ang isang Senate investigation laban sa mga nagaganap na kaliwa’t kanang pagpaslang sa bansa. 

“Pareho naman po kaming propesyunal ng Pangulo. Pareho rin po kaming public servant so sana hindi ho siya nagre-resort sa ganyang mga foul means. To me that’s very foul,” pahayag pa ni De Lima habang nangingilid ang luha. 

Ayon pa kay De Lima sinuman ang source ni Duterte sa mga ibinulgar nitong paratang sana ay dino-double check muna ito ng Pangulo.

 

VIDEO COURTESY OF ABSCBN News 

 

Sa kabila ng panibagong banat mula sa Pangulo ay nanindigan si De Lima na hindi siya matitinag. 

Sinabi ni De Lima na hindi ito makakaapekto sa itinakda niyang pagdinig sa susunod na linggo kaugnay sa mga nagaganap na summary execution kasabay ng kampanya kontra droga ng bagong administrasyon. 

Tinawag din ni De Lima na character assassination at foul ang ginawa ng Pangulo. 

“He’s a professional, he’s a lawyer, he’s a public servant like me so respeto naman po,” pahayag pa ng senadora sa isang hiwalay na panayam sa kanya matapos lumabas sa session hall ng Senado.-DCR

 

Advertisements