#50FirstDays | Nagawa ni Duterte sa unang 50 araw ihahayag ngayon

Duterte1

President Duterte during his first SONA last July 25 (Photo from Presidential Communications) 

Ngayon ang ika-50 araw simula nang manumpa sa kanyang tungkulin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabay ng kampanyang 50 First Days ng Presidential Communications Office ay ihahayag ngayong araw ng Malacañang ang mga nagawang pagbabago ng Pangulo sa loob lamang ng halos dalawang buwan matapos itong manumpa sa tungkulin.

Sa layong ipakita ang mga pagbabago, isang dokumentaryo ang ie-ere ng Palasyo ngayong 12:00 ng tanghali sa PTV-4.

Lalamanin nito ang mga pagbabago at mga nagawa na ng administrasyong Duterte.

“Ako, I would just say, I’m trying my very best, period. I do not claim any great success, maybe failures here and there. “

“I got elected and I give to the people what they want. They want a drug-free government? Makukuha nila (drug-free, graft-free),” pahayag pa ng Pangulo bago ito lumipad patungong Davao City kagabi. 

Nakagawian na ng mga nagdaang administrasyon na ipakita ang kanilang mga nagawa sa unang 100 araw nila sa pwesto.  Subalit kaiba dito ninais ng Malacañang na baguhin ang nakagawian dahil tiwala sila may sapat silang maiuulat sa taumbayan hinggil sa nagaganap na pagbabago sa gobyerno.

“The Duterte administration challenges the status quo of the usual 100-day milestone. We are confident that even at an early stage, we have effected change in our government while calling everyone to be our partner for change,” pahayag pa ni PCO Sec. Martin Andanar. 

Simula nang maupo sa tungkulin ang bagong Pangulo ay agad nitong sinimulan ang kampanya laban sa ilegal na droga. 

Isang executive order din ang agad na pinirmahan ni Duterte para maipatupad ang Freedom of Information sa Ehekutibo. 

Agad ding iniutos ng Pangulo ang pagkakaroon ng one stop shop sa Philippine Overseas Employment Administration para sa mga OFW. 

Duterte2

Photo from Presidential Communications 

Matapos iluklok sa pwesto si PNP Chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ay nagsunod sunod ang raid at pagdakip ng mga pulis sa mga tulak at gumagamit ng bawal na gamot.

Ibinunyag din ni Duterte ang listahan nito na naglalaman ng mga politiko at iba pang opisyal ng gobyerno na sangkot sa operasyon ng ilegal na droga. Kabilang sa mga pinangalan nito ay ang limang heneral ng PNP.

Nagpapatuloy din sa pag-iikot sa kampo ng militar ang Pangulo para bisitahin ang mga sundalo lalo na ang mga nasugatan sa mga labanan.

Kasabay nito ay iniutos niya sa bagong AFP chief na si Gen. Ricardo Visaya ang pagpulbos sa bandidong Abu Sayyaf.

Sa unang 50 araw din ng Pangulo ay agad nitong nailunsad ang emergency hotline 911 para sa buong bansa at hotline 8888 para sa mga reklamo laban sa mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Duterte 3.jpg

President Duterte listens to a presentation of his cabinet secretaries during a Cabinet Meeting in Malacañang (Photo from Presidential Communications) 

Bilang pagpapakita rin ng sinseridad na maituloy ang usapang pangkapayapaan ay pinalaya na rin sa ilalim ng bagong administrasyon ang ilang political detainees na pawang mga consultant ng National Democratic Front. 

Una nito ay naitalaga rin sa pwesto ang ilang prominenteng miyembro ng kaliwang grupo tulad ni Ka Paeng Mariano na ngayon ay kalihin ng Department of Agrarian Refrom, Dr. Judy Taguiwalo na kalihim na ng Department of Social Welfare and Development, Liza Maza na pinuno ng National Anti Poverty Commission at dating Anakpawis Rep. Joel Maglunsod na ngayon ay undersecretary sa Department of Labor and Employment.

Satur

President Duterte with progressive leader Satur Ocampo in Malacañang (Photo from Presidential Communicatins) 

Sa unang pagkakataon din matapos ang maraming taon ay nasaksihan ng bayan ang isang mapayapang rally kasabay ng unang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.

Sa katunayan matapos ang kanyang SONA ay ipinatawag pa ni Duterte ang mga lider ng mga raliyista upang makausap. Bago nito ay nakapasok din at tinanggap ng Pangulo sa Malacañang ang mga progresibong lider na kasama sa grupong Bayan at ilang kaalyadong organisasyon sa araw mismo ng kanyang inagurasyon bilang Pangulo.

Duterte1

Photo from Presidential Communications 

Sinabi rin ng Pangulo na upang masolusyunan ang kapayapaan sa Mindanao ay magkasama niyang isasama sa negosasyon ang Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.

Matapos namang italaga sa kanyang tungkulin si Environment Sec. Gina Lopez ay sunod sunod na suspensyon ang ipinataw ng kalihim laban sa mga mining firm na lumalabag sa batas.

Kasabay nang mga nagpapatuloy na pagbabago ay nanawagan naman si Andanar sa lahat na patuloy na tulungan ang gobyerno. 

“We call to action every Filipino to help us implement more reforms and have hope that good things are coming for our country. Every one is our partner for change,” pahayag pa ng kalihim.-DCR

 

Advertisements