Malacañang naglabas na ng sariling dyaryo

Andanar

Communications Sec. Martin Andanar during the launch of government tabloid “Masa”

Inilabas na ng Presidential Communications Office ang kauna-unahang issue ng tabloid newspaper nito.

Ang sariling dyaryo ng Malacañang ay pinamagatang ” MASA”  at may tagline na  ‘Mula sa Masa Para sa Masa, Kasangga sa Pagbabago’.

 

Inilunsad ang pahayagan ngayong araw kasabay ng unang 50 araw sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Lalamanin ng naturang peryodiko ang mga ulat tungkol sa mga programa ng Pangulo at ng buong gobyerno.

Libre itong makukuha ng publiko sa mga itinalagang lugar ng pamahalaan.

Layon nang pagkakaroon ng sariling tabloid ng Malacañang na maipatid sa taumbayan lalo na sa mga hindi naaabot ng telebisyon at radyo ang mga programa at proyekto ng gobyerno. 

Umabot sa 5,000 ang unang inilimbag na kopya ng PCO subalit nangako si Communications Sec. Martin Andanar na dadagdagan pa nila ito.

Ang pahayagan ay ilalabas dalawang beses (bimonthly) kada buwan ng PCO. 

Duterte newspaper

Sa kauna-unahang headline ng pahayagan ay agad na ibinalandra ng PCO ang kampanya ng administrasyon kontra bawal na gamot.

Mababasa dito ang headline na “Duterte wagi sa giyera kontra droga”. 

Sinabi ni Andanar na makukuha at ilalathala rin ang pahayagan sa pamamagitan ng Philippine Information Agency.

Para naman sa mga overseas Filipino worker magkakaroon umano ng online version ng nasabing pahayagan at tatawagin itong “News For Change”. -DCR

 

 

 

Advertisements