VELOSO CASE | Duterte sa Indonesia: ‘Sundin nyo ang inyong batas, hindi ako makikialam’

duterte-jokowi

Nilinaw ng Malacañang na walang  sinabi si Pangulong Rodrigo Duterte sa Indonesia na bitayin na nila ang convicted Filipina drug mule na si Mary Jane Veloso.

Ginawa ng Palasyo ang pagdepensa ngayong hapon matapos kumalat sa media ang pahayag umano ni Indonesian President Joko Widodo tungkol sa pagbibigay umano ng go signal ni Duterte pagdating sa usapin ng pagbitay kay Veloso.

Sa paglilinaw ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, sinabi nitong base sa usapan nina Duterte at Widodo ay sinabi lamang ng Pangulo sa kapwa nito lider na hindi ito makikialam sa proseso ng Indonesia at sundin lamang nila ang kanilang batas.

“His (President Duterte) actual statement and conversation with (Indonesian) President Widodo went like this, he (President Duterte) said regarding Mary Jane Veloso he said ‘Follow your own laws. I will not interfere.’ End of statement. Thank you very much,” pahayag pa ni Abella.

Matapos ang pagbibigay ng opisyal na komento sa isyu ay nilinaw ng isang mamamahayag kung walang categorical statement ang Pangulo na nagsasabing maaari nang bitayin ng Indonesia si Veloso na sinagot naman ni Abella ng ‘No there was none’.

Matatandaan na dumating noong nakaraang linggo si Duterte sa bansa matapos ang isinagawang working visit nito sa Indonesia. 

Hindi agad idinetalye ng Pangulo ang naging laman ng usapan nila ni Widodo pagdating sa usapin ng kaso ni Veloso.

Si Veloso ay nadakip noong Abril 2010 matapos mahulihan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe.

Oktubre 2010 nang mahatulan ng bitay sa pamamagitan ng firing squad ang Pilipina subalit hindi ito agad naipatupad dahil sa moratorium sa parusang bitay ng noon ay si Indonesian President Susilo Bambang Yudhoyono.

Muling nabuhay ang kaso ng pagbitay kay Veloso matapos mahalal sa pwesto noong Enero 2015 si Widodo.

Naging maingay ang kaso ni Veloso sa media matapos mapabalitang nabiktima lamang ito ng drug trafficking.

Dahil sa pag-apela ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III ay hindi muli nabitay si Veloso na una nang itinakda noong Abril 2015. Ginawa nang Indonesia ang pagpapaliban matapos ang napabalitang pagkakadakip sa mga recruiter ni Veloso na sina Maria Kristina Sergio at kinakasama nitong si Julius Lacanilao.-DCR

 

Advertisements