DUTERTE BUMUO NG DEATH SQUAD | ‘Mosque pinabomba, mga kalaban at kriminal pinapatay’- DDS member

edgar-matobato

Image screenshot from the live feed courtesy of CNN Philippines 

“Ang trabaho namin ay pumatay ng kriminal, drug pushers, snatcher, rapist.”

Ito ang ibinunyag nang testigong si Edgar Matobato ngayong umaga kasabay ng pagharap niya sa Senado. Muling nagpapatuloy ang pagdinig ngayong araw ng Senate Justice Committee na pinangungunahan ni Sen. Leila de Lima kaugnay sa extrajudicial killings.

Ayon kay Matobato, si Pangulong Rodrigo Duterte na noon ay alkalde ng Davao City ang nag-utos para sa pagbuo ng isang death squad na unang tinawag na Lambada. May alias din umano si Duterte sa kanilang grupo bilang si “Charlie Mike”. 

Personal rin umano siyang kilala ng Pangulo dahil nagtrabaho siya bilang security sa bahay nito.

Aniya, ang Lambada na binuo ni Duterte para pumatay ang kalaunan ay naging Davao Death Squad.

“Nakokonsyensya na po ako. Inosenteng tao nadadamay, di naman totoong kriminal yung iba,” pahayag pa ni Matobato.

Bukod sa Pangulo ay idinawit din ni Matobato sa mga serye ng pagpatay sa Davao City simula 1988 sina PNP Chief Ronald Dela Rosa, Davao City Vice Mayor Paulo Duterte at NBI Director Dante Gieran. 

Ayon sa testigo simula 1988 hanggang 2013 aabot na sa higit kumulang 50 katao ang kanyang personal na pinatay. 

Kabilang umano sa mga natatandaan ni Matobato na iniutos sa kanya ng Pangulo ay ang pagbomba sa isang mosque bilang ganti sa pagpapasabog na ginawa sa Davao Cathedral.

“Noong 1993, ‘yung Cathedral ng Davao binomba kaya umorder si Mayor Duterte na masakerin ang mga mosque ng Muslim. Ako ang tumapon ng granada sa bangkerohan.” 

“Pagkatapos bumomba sa simbahan ng mga Muslim, makalipas ang ilang araw nag-utos siya na ang mga suspek na Muslim hulihin niyo at patayin niyo. Inabangan namin ang mga Muslim at pinagpapatay namin. Inilibing namin sa quarry na pag-aari ni Ding Laud,” pagsasalaysap pa ni Matobato.

Kasama din umano sa kanilang pinatay kasama ang isang Sali Makdum. Si Makdum umano ay naiharap pa niya kay Dela Rosa na noon umano ay miyembro ng PAOCTF. Matapos umano nito ay pinatay at pinagputol putol nila ang katawan ni Makdum saka itinapon sa isang quarry na pag-aari rin ng isang pulis.

Kabilang din umano sa mga miyembro ng DDS ayon kay Matobato ay mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.

Aniya, pinapatay nila ang lahat ng uri ng kriminal kung saan ang pinakabata ay aabot umano sa 15-anyos.

Isang Alvin Laud din ang pinangalanan ni Matobato bilang top killer ng DDS.

Maging ang pagpaslang sa mamamahayag na si Jun Pala ay ibinintang din ni Matobato sa Pangulo. Aniya, bagama’t hindi siya kasama sa pagpaslang kay Pala ay si Duterte ang nag-utos dito.

Sa tala ng Center for Media Freedom and Responsibility, si Pala na isang broadcaster ng DXGO ay napatay noong September 2003 sa Davao Empress Subdivision sa Davao City.

Ang anak naman ng Pangulo na si Paulo ay idinawit ni Matobato na siyang nasa likod umano ng smuggling ng bigas at krudo sa Davao City. 

Sinabi ni Matobato na noong 2013 ay nagdala siya ng P3 milyon bilang suhol sa isang opisyal ng Bureau of Customs para sa operasyon ni Paulo at kasabwat nitong si Davidson Bangayan.

Sa pagsusuma ni Matobato simula 1988 hanggang 2010 ay mahigit 1,000 katao na ang napapatay ng DDS.-DCR

 

Advertisements