KNOCKOUT KAY PACQUIAO | De Lima napatalsik bilang chair ng Senate Justice Committee

 

De Lima.JPG

Sen. Leila de Lima 

Tuluyang nang napatalsik si Sen. Leila de Lima bilang chair ng Senate Committee on Justice and Human Rights ngayong araw.

Ito ay matapos maghain ng mosyon si Sen. Manny Pacquiao na nagpadeklarang bakante ang komite ng senadora.

Ginawa ni Pacquiao ang mosyon makaraan ang privilege speech ni Sen. Alan Peter Cayetano na tahasang bumabatikos sa ginawang imbestigasyon ng komite ni De Lima tungkol sa mga nagaganap na mga kaso ng pagpatay sa bansa ngayon.

Partikular na binatikos ni Cayetano ay ang paghaharap ni De Lima sa testigo nitong si Edgar Matobato noong nakaraang linggo na nagpakilalang dati umano siyang miyembro ng Davao Death Squad.

Matapos ang mosyon ni Pacquiao ay pansamantalang sinuspinde ni Senate President Koko Pimentel ang sesyon ng Senado para magpatawag ng isang caucus.

Dito napagkasunduan ng mga senador na pagbotohan sa plenaryo ang mosyon ni Pacquiao.

Sa botong 16 na pabor, apat na hindi pabor at dalawang abstain ay nanalo ang mosyon ni Pacquiao kung kaya idineklarang bakante ang chairmanship ng Senate Justice Committee.

Agad namang nagbotohan ang mga senador na ipalit si Sen. Dick Gordon bilang chairman ng nasabing komite at nahalal namang co-chairman nito si Sen. Ping Lacson.-DCR

Advertisements