MAGIC 16 KILALANIN | Mga senador na nagpatalsik kay De Lima bilang Justice Committee chair

Senators.JPG

Screenshot from pinoyaltervista.otg

“Mr. President, I move that the chairmanship and membership of the Committee on Justice be declared vacant!”

Ito ang mga salitang nagsimula para mapatalsik si Sen. Leila de Lima bilang chair ng Senate Justice Committee.

 Ginawa ni Sen. Manny Pacquiao ang pahayag matapos ang privilege speech ni Sen. Alan Peter Cayetano kung saan binatikos nito ang pagiging bias umano ng pagdinig na pinamumunuan ni De Lima.

Sa botong 16-4-2 o labing anim na pabor, apat na kontra at dalawang abstain ay natanggal si De Lima bilang pinuno ng komite sa Senado.

Kabilang sa mga bumoto para ideklarang bakante ang chairmanship at membership ng Senate Justice Committee na nagbunsod para mapatalsik si De Lima bilang chairman ay ang mga sumusunod:

  • Senate President Aquilino Pimentel III
  • Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III
  • Sen. Alan Peter Cayetano
  • Sen. Juan Miguel Zubiri
  • Sen. Panfilo Lacson
  • Sen. Cynthia Villar
  • Sen. Sherwin Gatchalian
  • Sen. Gregorio Honasan
  • Sen. Sonny Angara
  • Sen. Joel Villanueva
  • Sen. Richard Gordon
  • Sen. Nancy Binay
  • Sen. Joseph Victor Ejercito
  • Sen. Manny Pacquiao
  • Sen. Loren Legarda
  • Sen. Grace Poe

Ang apat naman na kumontra para matanggal si De Lima bilang chairman ay sina Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Franklin Drilon. 

Nag-abstain naman sa pagboto sina Sen. Ralph Recto at Sen. Antonio Trillanes. 

Matapos maideklarang bakante na ang Justice Committee ay nagkaroon ulit ng botohan matapos maghain ng mosyon si Sotto. 

Dahil dito ay nahalal na bagong chairman ng Justice Committee si Gordon habang vice-chair si Lacson.

Miyembro pa rin ng komite si De Lima kasama sina Zubiri, Cayetano, Poe, Pangilinan at Pacquiao.

Sa kanyang acceptance speech ay nangako si Gordon na gagawing patas ang komite.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay iniharap ni De Lima ang testigong si Edgar Matobato na dati umanong miyembro ng Davao Death Squad (DDS).

Sa pagdinig ng komite ay ibinulgar ni Matobato na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos para sa pagbuo ng DDS. Isinalaysay din ni Matobato ang mga serye ng mga pagpatay mula 1988 hanggang 2013 sa utos umano ni Duterte.

Bukod sa Pangulo ay idinawit din sa mga serye ng pagpaslang ang anak nitong si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, PNP Chief Ronald dela Rosa at NBI Dir. Dante Gieran.-DCR

 

Advertisements