SIGNAL NO.5 IDINEKLARA | Super typhoon Lawin winasak ang Hilagang Luzon

1.jpg

Tumaini, Isabela (All Photos by Remus Angobung)

Winasak at sinalanta ng super typhoon Lawin (Haima) ang malaking bahagi ng Hilagang Luzon partikular na ang mga lalawigang kasama sa Cagayan at Ilocos Region.

Unang nag-landfall ang bagyo sa bayan ng Peñablanca, Cagayan bandang 11:00 ng gabi kagabi.

Sa mga nakakalap na ulat ng Manila Journo hanggang sa mga sandaling ito ay nananatiling putol ang linya ng kuryente at cellphone signal sa mga lalawigan sa Norte tulad sa Isabela at Cagayan. 

Bago pa tumama ang bagyo ay isinailalim na ng PAGASA sa pinakamataas na signal no.5 ang mga lalawigan ng Kalinga, Apayao, Isabela at Cagayan.

3

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umabot sa 225 kph at pagbugso na umabot hanggang  315 kph.

Mula 11:00 ng gabi hanggang ngayong umaga ay nananalasa at patuloy na nararamdaman ang malakas na hangin at ulan sa mga lalawigan sa Norte.

Sa huling impormasyon sa mga oras na ito ay 90% na umano ng Baguio City ang walang kuryente.

Sa parte naman ng Nueva Ecija ay napakarami ng palayan ang lumubog at dumapa dahil sa lakas ng ulan at hangin.

Ganito rin ang sitwasyon sa Ilocos Norte partikular sa bayan ng Bacarra kung saan napakaraming puno ang tumumba at mga bahay na nilipad ang bubungan.

4.jpg

Sa bahagi naman ng Tuguegarao City na napakalapit sa Peñablanca kung saan nag-landfall ang bagyo, bandang 7:00 pa lamang kagabi ay nawalan na ng kuryente. Sa ngayon ay wala na rin umanong signal ng cellphone sa lugar at napakarami na ng mga nagbagsakang puno sa Maharlika Highway.

Sa bayan naman ng Tumauini at Ilagan City sa Isabela ay nag-zero visibility na din at napakaraming bahay ang nawasak at punongkahoy na nagtumbahan.

Hanggang sa mga sandaling ito ay patuloy pa ring naghihintay ng ulat ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Operations Center sa Camp Aguinaldo sa mga ulat na magmumula sa Hilagang Luzon.-DCR

 

 

 

Advertisements