TRUMP BINATI NG WORLD LEADERS | Duterte una sa video ng TIME

duterte-2

Screenshot from Time’s video 

Nangunguna si Pangulong Rodrigo Duterte sa hanay ng world leaders na bumati sa pagkapanalo ni President-elect Donald Trump sa katatapos na US presidential elections.

Sa video na inilabas ng Time’s multimedia na siya ring naglalathala ng Time Magazine hinggil sa mga lider ng bansa na bumati kay Trump una sa mga ito si Duterte.

Kasunod na bumati ni Duterte kay Trump base sa video ay sina ustralian Prime Minister Malcolm Turnbull, German Chancellor Angela Merkell, Russian President Vladimir Putin, Ukrainian President Petro Poroshenko, Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, Turkish President Recep Erdogan, Norwegian Prime Minister Erna Solberg, Czech President Milos Zeman, at French President Francois Hollande.

“I would like to congratulate President Trump.” Ito ang mga salitang nagmula kay Duterte na unang mapapanood sa naturang video.

Sa kanyang pagtungo sa Malaysia para sa isang official visit at habang kaharap niya ang mga Pilipino doon ay ipinaabot ni Duterte ang pagbati kay Trump.

“Ayaw ko nga sabi ko makipag-away kasi nandiyan na si Trump. But, I would like to congratulate President Trump. Mabuhay ka! Pareho tayo nagmumura. Konting rason lang, mura kaagad. Medyo pare-pareho kami,” kumpletong pahayag ng Pangulo. 

Sa kanyang pagdating naman dito sa Pilipinas muling ipinahayag ni Pangulo ang pagkalugod sa pagkapanalo ng pambato ng Republican Party sa naganap na halalang pampanguluhan sa Amerika.

Aniya, pareho umano sila ni Trump na ang layunin ay maglingkod sa mamamayan. 

“Comparison, no, I don’t think we (can be compared)… What we share in common is the passion to serve,” pahayag pa ng Pangulo.

Sa kabila ng tila magandang pagtanggap na papasok na liderato ni Trump muli pa rin inulit ng Pangulo ang pagnanais nito na maisulong ang independent foreign policy ng bansa.

Pinayagan na rin nito ang pagpapatupad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na isang kasunduang pang militar na nilagdaan sa pagitan ng US at Pilipinas.

Sa kabila nito sinabi ni Duterte na gusto niyang hanggang sa bago bumaba sa pwesto ay wala na siyang makikitang sundalo ng ibang bansa na nandito sa Pilipinas.-DCR

 

Advertisements