PANAKAW NA LIBING | Dating Pangulong Marcos inihimlay na sa Libingan ng mga Bayani

marcos1

Left photo screenshot from video during former Pres. Marcos burial in LNMB Right photo courtesy of Philippine Collegian (Chester Higuit) shows UP students occupy Katipunan Ave. during anti-Marcos rally after the dictator’s burial in LNMB 

Nagulat, nagbunyi at nagalit. Ganitong mga emosyon ang inabot ng mga Pilipino mula sa pamilya Marcos at mga kaalyado nito  matapos nilang magawan ng paraan na mailibing si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong araw. 

Nagkagulatan ang lahat matapos pumutok ang balita ng paghahanda para sa libing ng dating diktador kaninang bago mag-tanghali.

m5

Photo from Gov. Imee Marcos

Sa ilang panayam kay PNP-National Capital Region Police Office Dir. Oscar Albayalde, kinumpirma nito na umaga pa lamang ay nailipad na dito sa Pilipinas ang mga labi ng dating pangulo.

Ayon naman sa press conference na ginawa ng Armed Forces of the Philippines matapos ang paglilibing, sinabi ng tagapagsalita nito na si Gen. Restituto Padilla na umaga pa lamang ay naidala na dito sa Maynila sakay ng chopper mula sa Philippine Air Force ang labi ng diktador.

 

m6

Photo from Gov. Imee Marcos

 

Bago tuluyang mananghali ay iginawad kay Marcos ang funeral march at 21 gun salute.

Isinakay sa karwaheng hinihila ng kabayo ang ataul ng ni Marcos habang nasa unahan nito ang mga honor guards mula sa AFP.

m9

Photo from Gov. Imee Marcos

Nakasunod naman dito ang pamilya Marcos sa pangunguna ng kabiyak nitong si Rep. Imelda Marcos at mga anak na sina Irene Marcos, Gov. Imee Marcos, at dating Sen. Bongbong Marcos. 

Bukod sa mga kaanak at dinaluhan din ang biglaang libing ng mga malalapit na kaibigan ng pamilya. Kasama rin sa mga dumalo para sa military honors sa diktador ang mga heneral at iba pang opisyal ng AFP at PNP. 

Kabilang sa mga ito sina PNP Chief Gen. Ronald Dela Rosa, Acting Armed Forces chief of staff Lieutenant General Glorioso Miranda, Army vice commander Major General Harold Cabreros, Navy vice commander Rear Admiral Rafael Mariano, at Air Force vice commander Major General Conrado Parra.

Kapansin pansin na wala sa seremonya ang matataas na heneral ng sandatahang lakas.

Si AFP Chief of Staff Gen. Ricardo Visaya ay hindi nakadalo dahil wala ito sa bansa tulad ni Army chief Lieutenant General Eduardo Año. Sina Air Force chief Edgar Fallorina at Navy chief Vice Admiral Ronald Joseph Mercado ay may mga nauna namang kailangang asikasuhin at hindi na nakadalo pa dahil sa maikling oras na paabiso mula sa mga Marcos.

HINDI UMANO ALAM NG PALASYO

Matapos ang paglilibing ay isang press conference ang idinaos ng administrasyong Duterte sa Lima, Peru.

Naroon ang Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa Asia Pacific Economic Conference (APEC).

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi umano alam ng Pangulo na ngayong ang libing ng dating diktador.

Dito sa Maynila, sinabi ni Presidential Communications Office Sec. Ana Marie Banaag na maging sila ay hindi nasabihan na ngayon ang araw ng libing ni Marcos. Aniya, maging siya ay nalaman lamang sa media ang pangyayari.

Taliwas naman ito sa sinabi ni Dela Rosa na nagsabi na alam umano ng Pangulo ang magaganap na libing.

Bagama’t kaliwa’t kanan ang pagdepensa ng Malacañang, lumalabas na tila inaasahan na rin ni Duterte ang naganap ngayong araw.

Sa kanyang pahayag mula sa Peru sinabi ng Pangulo na umaasa siyang magkakaroon ng puwang sa puso ng bawat isa ang pagpapatawad.

Sinabi pa nito sa mga naging biktima ng kalupitan ng rehimeng Marcos noong martial law na maaari naman silang magsampa ng kaso laban dito sa korte. 

“Sana at the day of the burial, they might just want also to stretch more of their understanding of what happened to our country. I think that’s…You know I was…Ang isip ko noon when I decided is we have divided nation although not that widespread. But you can be very sure that all the Ilokano-speaking people are really hurt, they are dismayed and it’s been there floating like a flotsam, we have to decide once and for all.

And me I was just being legally strict about it. President Marcos was a president for so long and he was a soldier. So that’s about it. Whether or not he performed worse or better, there is no study, there is no movie about it. It’s just the challenges and allegations of the other side which is not enough,” pahayag ng Pangulo.

KALIWA’T KANANG PROTESTANG BAYAN

m2

Indignation rally in Manila, Philippines after dictator Marcos’ burial in LNMB (Photo from Renato Reyes) 

Bagama’t nagitla ang marami sa pangyayari, hindi ito naging hadlang upang agad na magkasa ng kaliwa’t kanang protesta ang iba’t – ibang grupo na tutol sa paglilibing kay Marcos sa LNMB.

m4

Right after the secret event in LNMB different sectors trooped to Edsa People Power monument to condemn Marcos’ burial (Photo courtesy of Dana Batnag) 

Bago ang patagong paglibing kay Marcos ngayong araw ay una nang nakatakda sana ang Black Friday Protest ng mga progresibong grupo sa iba’t ibang lugar ng Kamaynilaan at mga karatig na lalawigan. Layon pa rin nito na iprotesta ang desisyon ng Supreme Court na payagang maihimlay si Marcos sa LNMB.

Subalit dahil sa naganap na libing ay agad na nakapagkasa ng demonstrasyon dito ang iba’t ibang sektor.

 

m1.jpg

Anti-Marcos indignation rally in UP Palma Hall after his burial (Photo from Philippine Collegian/Kenneth Gutlay)

 

Sa University of the Philippines sa Maynila ay agad na pumuwesto sa kahabaan ng Taft Ave. sa harapan ng Philippine General Hospital ang mga health worker, propesor at mga estudyante para kundenahin ang nagaganap na libing sa LNMB.

Maging ang mga estudyante ng Ateneo de Manila University at Miriam College ay lumabas sa kanilang mga classroom ay nag-ingay sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City bilang protesta laban sa sikretong libing ni Marcos.

m3

Anti Marcos rally outside University of the Philippines’ Palma Hall after the secret burial in LNMB (Photo courtesy of Renato Reyes) 

Nagkaroon naman ng indignation rally ang mga mag-aaral ng UP Diliman kaninang hapon. 

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy sa pagdagsa sa Edsa People Power monument ngayong gabi ang mga tao. 

SALAMAT DUTERTE SALAMAT SUPREME COURT 

Sa kanyang maikling pahayag sa midya matapos ang paglilibing sa kanya ama ay nagpasalamat si Imee sa kanilang mga tagasuporta.

Ngunit kapansin pansin na unang-una nitong pinasalamatan ang Pangulong Duterte kasama na ang mga mahistrado ng Supreme Court na bumoto pabor sa paglilibing sa kanyang ama sa LNMB.

“Salamat kay Presidente Duterte na nagmungkahi nito sa Korte Suprema. Salamat sa lahat ng sumuporta sa aming pamilya.”

“Ang aking pamilya ay taos-pusong nagpasasalamat sa inyong lahat na nagpatotoo sa karapatan niyang mahimlay sa Libingan ng mga Bayani,” magkakasunod na pahayag ni Imee. 

Kasabay nito ay humingi ng paumanhin ang pamilya Marcos sa kanilang mga tagasuporta dahil sa naging pribado ang naging paglilibing. Sa kabila nito sinabi ni Imee na naiitindihan nila na matagal na ring hangad ng mga tagasuporta ng diktador na mailibing ito sa LNMB.

TULOY ANG LABAN

Para sa maraming personalidad na tutol na mailibing ang diktador sa LNMB, hindi maisasara nang paghihimlay kay Marcos ngayong araw ang mga kasalanan nito sa sambayanan.

Para kina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Risa Hontiveros, lalo lamang naungkat ng paglilibing kay Marcos ang sugat ng nakaraan.

Tiniyak din ni Pangilinan na gagawa sila ng paraan upang maialis ang diktador sa LNMB.

“Malilibing siya pero hindi ibig sabihin na mananatili siyang nakalibing dun. Dahil habang may mga taong naninindigan laban sa naging pag-aabuso ng diktadura, itutulak natin na ang mga labi niya ay dapat ilipat. Hindi closure ang magiging resulta ng paglibing na ito dahil muli lamang binuksan ng Administrasyon at pamilyang Marcos ang mga sugat na dulot ng pang-aabuso, pag-torture, at pagpatay at pandarambong na isinagawa ng diktadura. Lalo lang magkakaroon ng hidwaan at divisiveness,” pahayag pa ni Pangilinan. 

Kinondena rin ng grupong BAYAN ang patagong paglibing kay Marcos. Inihalintulad din ng grupo sa isang magnanakaw sa gabi ang ginawang paglilibing ngayong araw sa diktador. 

Kasabay nito ay nanawagan din ang grupo sa taumbayan na iparamdam sa taumbayan ang galit kasabay ng ginawang paghimlay sa diktador.

“They are mistaken though if they think we will let this day pass without any protest. We call on the people to make known their outrage through the national indignation happening today. Let this day be marked not by the rejoicing of the heirs of the dictator, but by the cries of outrage by the Marcos victims and the people who refuse to forget the judgement of history. The fight is no longer in the courts. It is now in the streets, in classrooms, in media and various public fora. It is a fight against the revision of history and the return of the Marcoses to the highest seat of power. It is a continuing fight for justice for all victims of fascism and the rotten social system of political accommodation and bureaucrat capitalism,” pahayag pa ng grupo.-DCR

Advertisements