P100K CASH BONUS NG PNP TULOY | Cash gifts tinanggap na ng mga police official ayon sa source

paskuhan

PNP top brass including Chief PNP Gen. Ronald Dela Rosa during the annual Paskuhan sa Crame 2016      (Photo from PNP)

Nakakuha na ng kanilang naglalakihang cash gift mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP). 

Ito ay sa kabila ng pagbawi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa sa kanyang anunsyo kahapon kung saan una niyang sinabi na makakatanggap ng P50,000-P400,000 ang mga matataas na opisyal ng PNP. 

Base sa eksklusibong istorya na inilathala ng Philippine Daily Inquirer ngayong hapon, nagsimula umano ang bigayan ng pera sa Camp Crame kahapon araw ng Lunes ilang oras matapos itanggi ng Malacañang na magkakaroon ng malalaking cash bonus ang mga pulis.

Batay sa source ng pahayagan na tumangging magpakilala, hindi bababa sa P100,000 ang tinanggap ng kada opisyal ng PNP mula sa mismong opisina ni PNP Chief Ronald Dela Rosa. Ang mga ito ay cash at nakalagay sa envelope umanong tinanggap ng mga pulis.

Bago nito ay una nang sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na posibleng wala nang matanggap na cash bonus ang mga matataas na opisyal ng PNP taliwas sa unang annoucement kahapon ni Dela Rosa.

Kahapon ay umani ng mga tanong at hindi magagandang reaksyon ang sinabi ni Dela Rosa hinggil sa naglalakihang bonus na posibleng matanggap ng pulisya.

Sa kanyang pahayag kahapon sinabi ni Dela Rosa na makakatanggap siya ng P400,000 cash bonus bilang isang four star general habang ang mga three star general ay makakakuha ng P300,000. Ang mga two star general ay P200,000 at P100,000 para sa mga one star general samantalang ang mga may ranggong Senior Superintendent pababa ay makakakuha ng P50,000.-DCR

Advertisements