LIBING NI MARCOS SA LNMB BAYAD UTANG? | Duterte umamin sa utang na loob kay Imee

Duterte.JPG

Ilocos Norte Gov. Imee Marcos with President Rodrigo Duterte  (Photo courtesy of King Rodriguez/PPD)

Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang pinagkakautangan ng loob sa pagkakaluklok sa pwesto bilang pangulo ng Pilipinas maliban sa apat na tao na tumulong umano sa kanya.

“Ang saving grace ko… is wala akong utang na loob na kahit kanino except three or four persons,” pahayag ng Pangulo.

Sa panayam ni CNN Philippines Senior Correspondent Pinky Webb ngayong araw, inamin ng Pangulo na mayroon siyang utang na loob sa anak ng pumanaw na diktador at dating pangulong Ferdinand Marcos.

“Imee. Because I promised to bury Marcos during the campaign period,” pahayag pa ni Duterte. 

Matatandaan na noong panahon ng kampanya ay tahasang ipinangako ni Duterte na kung siya ay papalaring manalo bilang pangulo ay papayagan niyang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktador. 

Ang pangakong ito ay nabigyang katuparan noong Nobyembre 18 ngayong taon makaraang panakaw na ilibing ang diktador sa LNMB.

Bago ang panayam ngayong araw, noong Oktubre sa isang talumpati mismo ay pinangalanan na rin ni Duterte si Imee bilang isa sa kanyang mga campaign contributor.

Sino sa inyo ang nagsuporta sa akin? Ilan lang? 4, 5, 6? Wala akong barangay captain, wala akong congressman, wala akong pera. Si Imee pa ang nagbigay. Sabi niya inutang daw niya,” pahayag noon ng Pangulo. 

Sa kabila ng naturang rebelasyon ay itinanggi naman Imee ang sinabi ni Duterte at sinabing nagbibiro lamang ang Pangulo ng sabihin niya ito sa isang talumpati.

“Ang totoo wala naman donasyon and there’s no sinister x-deal behind the curtain somewhere. It’s absolutely untrue and I’d like to disabuse that,” pahayag ni Imee noong Nobyembre sa isang panayam naman ng ABSCBN News Channel. 

Lumalabas din na hindi idineklara ng kampo ni Duterte ang pangalan ni Imee bilang isa sa mga campaign contributor nito sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) na isinumite sa Commission on Elections.

Bukod sa gobernadora ay pinangalanan din ng Pangulo sina Bataan Governor Abet Garcia, at Bukidnon Governor Jose Zubiri Jr. na kabilang sa mga pinagkakautangan umano niya ng loob.-DCR

 

 

Advertisements