95% ng mga Pilipino positibo sa pagpasok ng Bagong Taon 2017

happy

Sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ngayong taon ay optimistiko at positibo pa rin ang pananaw ng mayorya ng mga Pilipino para sa papasok na 2017.

Batay sa survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS) noong Disyembre 3 hanggang 6 kung saan nilahukan ito ng 1,500 respondents ay nasa 95% umano ng mga Pilipino ang nagsabi na umaasa sila sa mas maayos na 2017.

Aabot lamang sa limang porsyento batay sa survey ang nagpahayag ng pagkatakot para sa papasok na Bagong Taon.

Lumalabas na mas mataas din ang bilang ng mga positibong Pinoy ngayong magbabagong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2015.

Noong nakaraang taon ay nasa 92% lamang ng mga Pilipino ang optimistiko para sa papasok na bagong taon habang nasa walong porsyento ang nagsabing sasalubungin nila ang papasok na taon ng may takot.

Pagdating naman sa lugar, pinakamarami sa mga Pilipino mula sa Luzon ang nagsabi na sila ay optimistiko para sa paparating na 2017 kung saan umabot ito sa 97%.

Nasa 95% naman ang mga nagpahayag na sila ay positibo sa New Year sa mga taga Metro Manila at Mindanao habang 92% naman sa Visayas.

Sa antas naman ng pamumuhay ang mga nasa class A, B at C ay pawang nasa 99% ang nagsabing positibo sila para sa papasok na taon habang ang mga nasa class D naman kung saan pinakamarami ang nagmula sa mga respondent ay nakakuha ng 93%.-DCR

 

Advertisements