Mga nabiktima ng paputok higit 100 na ayon sa DOH

paputok


Umakyat pa lalo ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok ayon sa talaan ng Department of Health (DOH).

Sa tala ng kagawaran mula Disyembre 21 hanggang kaninang umaga ay umakyat na ito sa 116. 

Sa bilang na ito ay nasa 115 ang aktuwal na naputukan ng mga paputok habang isa naman nakalunok nito.

Sa kabila nito ay mas mababa pa rin ng 38% ang bilang ng mga naputukan ngayon kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon na umabot sa 187.

Ayon sa datos mula sa Iwas Paputok base ng DOH, sa bilang na 116 na mga biktima 108 sa mga ito ay mga lalaki. Nasa 89 sa mga ito ay mga batang nasa edad 15 anyos pababa. 

Pinakamarami pa din sa mga naputukan ay sanhi ng piccolo na umabot sa 69.

Kalahati din sa kabuuang bilang ng mga naputukan ay nagmula dito sa Metro Manila na umabot sa 63.

Dahil dito ay patuloy na ang panawagan ng DOH sa lahat lalo na sa mga magulang na iiwas sa mga paputok ang kanilang mga anak.

Nakaalerto na rin ang mga ospital na pinatatakbo ng DOH hanggang bukas Disyembre 31 kung saan inaasahan ang dagsa ng bilang ng mga mapuputukan.-DCR

Advertisements