NUJP NAGSALITA NA | Media huwag sanang paglaruan ng Pangulo

duterte-media

President Rodrigo Duterte during an ambush interview with the press  (Photo from getrealphilippines.com)

Naglabas ng pakiusap ngayong araw ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) para kay Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ito ay kaugnay sa pahayag kahapon ng Pangulo sa panayam na ginawa sa kanya kung saan sinabi nito na pinaglalaruan niya kung minsan ang media. 

“Nilalaro ko kayo. Mahilig talaga ako sa ganoon. Alam ng team ninyo. Mahilig talaga ako magbitaw ng kalokohan,” bahagi ng pahayag ng Pangulo kahapon sa kanyang panayam kay CNN Senior Correspondent Pinky Webb. 

“Istorya lang naman iyan. Maniwala pa kayo?” dagdag pa ng Pangulo.

Sa pahayag ng NUJP, tuwiran umanong tinututulan ng grupo ang pahayag na ito ng Pangulo.

Ayon sa kanila, si Duterte bilang Pangulo ay siyang responsable sa mga sinasabi nito. Dagdag pa ng grupo, nasa Pangulo ang problema kung hindi maiintindihan ng media at ng taumbayan ang mga pahayag nito lalo na kung hindi malinaw kung ito ay seryoso o pabiro.

“Kung hindi malinaw ang inyong mga pahayag at hindi malinaw kung ito ay biro o seryoso, nasa inyo po at wala sa amin o sa taumbayan, ang problema. Seryoso po kami sa aming gawain at tungkulin naming ituring na seryoso at iulat ng tapat ang anumang namumutawi sa bibig ng Pangulo,” pahayag ng NUJP. 

Iginiit din ng NUJP kay Duterte na may panahon para sa mga biro subalit bilang Pangulo ng bansa, ang mga pahayag nito sa publiko ay ituturing ng media na isang opisyal na patakaran ng kasalukuyang administrasyon.

Kasunod nito ay hinimok ng mga mamamahayag ang Pangulo na huwag ng paglaruan ang media lalo na sa pagbibigay nito ng mga pahayag.-DCR

 

Advertisements