Traslacion ng Itim na Nazareno nagsimula na

traslacion

Traslacion of Black Nazarene near Manila City Hall (Manila Journo file photo)

Nagsimula nang umusad pabalik sa Basilica Minore ng Quiapo ang andas ng Itim na Nazareno kasama ang milyun-milyong deboto nito.

Ganap na 5:00 ng umaga ng simulan ang morning prayer sa Quirino Grandstand bago tuluyang sinimulan ang pag-usad ng andas bandang 5:28 ng umaga.

Inaasahan na aabutin ng 18-20 oras ang kabuuan ng traslacion bago ganap na maipasok sa simbahan ng Quiapo ang imahe ng Señor Nazareno.

Nasa 15-17 milyong deboto din ang inaasahang dadalo sa kabuuan ng aktibidad ngayong araw. 

Bandang 12:00 ng madaling araw ng ganapin ang isang misa sa Quirino Grandstand sa pangunguna ni Quiapo Church rector Msgr. Hernando Coronel kung saan nagbigay naman ng homiliya si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Sa simbahan naman ng Quiapo ay dagsa na rin ang napakaraming deboto. Nagsimula ang misa doon ganap na 3:00 ng madaling araw kung saan oras oras itong gaganapin hanggang mamayang 10:00 ng gabi.

Mula Quirino Grandstand ay dadaan sa mga pangunahing kalsada ng Maynila ang traslacion.

Pagsapit ng andas sa Katigbak Drive didiretso ito ng P. Burgos, kaliwa sa Taft Ave.saka sasampa sa Jones Bridge.

Mula dito ay kakanan pagbaba ng tulay sa Dasmariñas St., kanan sa Plaza Sta. Cruz, kaliwasa  C. Palanca St., saka papasok sa ilalim ng Quezon Bridge, kaliwa sa Quezon Blvd., kanan sa  Arlegui St., kaliwa sa Nepomuceno St., kaliwa sa Concepcion Aguila St., kanan sa Carcer St., kanan sa Hidalgo at dadaan sa Plaza del Carmen, kaliwa sa  Bilibid Viejo saka dadaan ng G. Puyat, saka kakaliwa sa Z.P. de Guzman St., bago kumanan ulit sa Hidalgo St., kaliwa sa A. Bautista St., kanan sa  Globo de Oro saka muling papailalim sa Quezon Bridge, kanan sa Palanca St., kanan sa Villalobos St. hanggang makarating ng Plaza Miranda, saka papasok sa  Quiapo Church.

Nananatili namang nakakalat sa mga ruta ng prusisyon at sa paligid ng Quiapo ang mga medical responder at pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang magbigay seguridad at umalalay sa mga deboto.-DCR

Advertisements