DUTERTE CYBER WARRIORS BINATIKOS DIN | War on drugs ni Duterte tinawag na ‘systems failure’ ng Human Rights Watch

war-on-drugs

A man was shot dead on the street of Manila after being accused of being a drug dealer (Photo courtesy of Dodi Tawatao/thetimes.co.uk)  Insert photo: Philippine President Rodrigo Duterte during his first State of the Nation Address 

Muling binatikos ng isang international human rights group ang administrasyong Duterte pati na ang mga kaalyado nito kasama na ang mga tinatawag na ‘Duterte cyber warriors’ kaugnay sa nagpapatuloy na kampanya laban sa ilegal na droga ng gobyerno.

Sa pinakabagong pahayag ng Human Rights Watch (HRW) ay binansagan nitong ‘systems failure’ ang kaliwa’t kanang mga pagpaslang na nangyayari ngayon sa bansa na nag-umpisa noon manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa tala ng Philippine National Police ay umabot na sa 7,028 katao ang napapatay magmula nang manungkulan ang Pangulo. Sa bilang na ito ay nasa 2,503 ang mga napatay sa operasyon ng PNP laban sa ilegal na droga habang nasa 3,603 naman ang mga napaslang ng mga hindi nakilalang armadong suspek.

Ayon kay HRW Asia Division Deputy Director Phelim Kine, ang nasabing mga bilang ay nakakagulat subalit inaasahan nang magiging resulta dahil sa mismong pahayag ng Pangulo na handa itong isantabi ang mga batas na may kaugnayan sa pagprotekta ng karapatang pantao para sa kanyang laban kontra droga.

Binatikos din ni Kine ang mga kaso ng pagpaslang kung saan lagi umanong sinasabi ng mga pulis na nanlaban ang mga biktima subalit hindi naman sila naglalabas ng kumpletong ulat para dito.

Ayon pa sa HRW, maging ang mga hinala na mga naka-sibilyang pulis rin ang responsable sa mga nagaganap na pagpaslang ay lalo pang lumakas matapos ang ulat nang pagkakadukot sa Koreanong si Jee  Ick-joo kung saan ang primary suspect ay isang miyembro ng PNP. 

Pinuna rin ng grupo ang anila’y harassment kay Sen. Leila de Lima ng mga kaalyado ng Pangulo. Ayon kay Kine, dapat sa harassment sa senadora ay napigilan ni Duterte at mga kakampi nito ang dapat sana ay isang importanteng imbestigasyon ng mga mambabatas.

“Pro-Duterte lawmakers scuttled a Senate probe into the drug war killings in September. And by subjecting the drug war’s most prominent critic, Senator Leila de Lima, to a torrent of harassment and intimidation, Duterte and senior government officials have stifled meaningful scrutiny by lawmakers. An army of pro-Duterte internet trolls systematically harasses, intimidates, and threatens into silence individuals who question the drug war’s logic or legality,” pahayag pa ng grupo. 

Hindi rin nakaligtas sa pagbatikos ng HRW maging ang mga world leader na ayon sa grupo ay sumusuporta kay Duterte. Isa sa mga ito ay si Japanese Shinzo Abe. Ayon sa grupo, bagama’t nag-alok ng aabot sa $800M na tulong ang administrasyon ni Abe kay Duterte ay hindi naman nito pinuna brutal na epekto ng kampanya ng gobyerno ng Pilipinas sa mga biktima ng bawal na gamot. 

Sinabi pa ng grupo na hangga’t walang nagkakaisang panawagan mula sa Pilipinas at maging mula sa international community laban sa kampanya ni Duterte ay lalo lamang tataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa war on drugs ng pamahalaan.-DCR

Advertisements