DFA KINUMPIRMA | OFW na si Jakatia Pawa binitay na sa Kuwait

pawa-2

OFW Jakatia Pawa 

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na binitay na ng Kuwaiti government ang overseas Filipino worker na si Jakatia Pawa ngayong hapon.

Ang malungkot na balita ay inianunsyo ni DFA Spokesman Charles Jose. 

Ayon sa kanya, ganap na 3:19 ngayong hapon oras dito sa Pilipinas (10:19 AM Kuwait time)  ng tuluyang ipatupad ng Kuwaiti government ang parusang kamatayan para kay Pawa sa pamamagitan ng pagbigti rito. 

Dahil si Pawa ay isang kaanib ng Islam, hindi na ibibyahe pauwi ang mga labi nito dito sa Pilipinas at sa halip ay agad itong ililibing sa Kuwait. Ito ay alinsunod sa kustombre ng Islam na dapat mailibing sa loob ng 24 oras ang bangkay ng isang Muslim.

Ayon kay Jose, umapela hanggang sa huling sandali ang embahada ng Pilipinas sa Amir ng Kuwait subalit hindi napagbigyan ang kahilingan ng gobyerno na huwag mapasama sa mga bibitayin ang Pinay OFW. 

Kahapon lamang natanggap ng embahada ang paabiso mula sa Kuwaiti government na ngayong araw itinakda ang pagbitay kay Pawa. 

Una ng nahatulan ng kamatayan ang Pinay ng Court of First Instance noon pang Abril 2008 matapos maakusahan sa pagpaslang sa 22 taong gulang na babaeng anak ng kanyang amo. Nabatid mula sa DFA na hindi rin tinanggap ng pamilya ng amo ni Pawa ang blood money na kapalit sana ng pagpapababa sa sentensya nito. 

Ang parusang kamatayan para kay Pawa ay pinanindigan ng Court of Cassation sa kabila ng testimonya mula sa isang Egyptian forensic expert na nagsasabing walang finger print si Pawa sa crime scene at hindi rin nagtugma sa mga pagsusuri ang mga mantya ng dugo sa damit nito.

 

Advertisements