Pinay bibitayin sa Kuwait ngayong araw

pawa

Jakatia Pawa 

Nakatakdang bitayin ngayon ang isang Pilipina matapos pagtibayin ng Kuwait Court of Cassation ang hatol na kamatayan para dito.

Ganap na 12:30 ngayong tanghali oras dito sa Pilipinas (7:30 AM Kuwait time) ang itinakdang oras para sa pagbitay kay Jakatia Pawa. 

Napag-alaman na kahapon lang nagpa-abiso ang Kuwaiti government sa Philippine Embassy doon hinggil sa gagawing pagbitay ngayong araw sa Pilipina.

Kasabay nito ay gumawa na ng pag-apela ang embahada sa Kuwaiti government upang kahit sa huling sandali ay maisalba ang buhay ng Pinay OFW.

Ang desisyon ay pinanindigan ng Court of Cassation sa kabila ng testimonya mula sa isang Egyptian forensic expert na nagsasabing walang finger print si Pawa sa crime scene at hindi rin nagtugma sa mga pagsusuri ang mga mantya ng dugo sa damit nito.

Una ng nahatulan ng kamatay ang Pinay ng Court of First Instance noon pang Abril 2008.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pa ring opisyal na impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs kung natuloy ang pagbitay ngayong araw kay Pawa.

Sa panayam naman ng ABSCBN sa kapatid ng Pinay na si Air Force Col. Gary Pawa, sinabi nitong nakatawag pa sa kanya kahapon ang kapatid.

Dito umano ay sinabi ni Jakatia ang nakatakdang pagbitay dito ngayong araw. Sa kanilang pag-uusap ay ibinilin ng Pinay sa kanyang kapatid ang dalawang anak nito.

Kasabay nito ay umapela din si Gary kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan sila upang huwag matuloy ang pagbitay sa kanyang kapatid.

Bago nito ay umapela na ang magkapatid na Pawa noon pang 2013 kay dating pangulong Benigno Aquino III na tulungan sila hinggil sa kaso. 

Si Pawa ay isang overseas Filipino worker na nahatulan ng kamatayan noon pang 2010 matapos maakusahan sa pagpaslang sa 22 taong gulang na babaeng anak ng kanyang amo.-DCR

 

Advertisements