NPA sa Davao City nais makausap ni Mayor Sara Duterte

duterte

Handa si Mayor Sara Duterte na makipag-usap at makinig sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakabase sa Davao City.

Ang alok na pakikipag-usap ng alkalde ay kasunod ng pagkamatay ng ilang sundalo at pagkasugat ng mga sibilyan sa engkwentrong naganap sa syudad nitong mga nagdaang araw.

Nitong Pebrero 17 ay aabot sa apat na indibidwal ang namatay kabilang ang dalawang sundalo at dalawang rebelde habang nasa 14 na  sundalo sugatan matapos ang naganap sa bakbakan sa pagitan ng dalawang panig.

Naganap ang engkwentro sa boundary ng Lamanan at Lacson sa Calinan District ng naturang lungsod.

“In light of  the recent events in the third district of Davao City that resulted in the deaths of our fellow Filipinos, I am offering my hand of peace to the New People’s Army,”  pahayag ni Duterte.

Ayon sa alkalde, handa siyang makinig kung ang NPA ay handa namang makipag-usap sa kanya. Nilinaw din ni Duterte na nais niyang makausap ang NPA bilang grupo at hindi umano niya tatanggapin ang sinumang indibidwal mula sa panig ng mga rebelde na magpapahayag ng pagsuko.

Nilinaw din ni Duterte na ang kanyang alok na pakikipag-usap ay limitado lamang sa kanyang nasasakupang lugar.

Ayon sa alkalde, sa sandaling hindi tanggapin ng NPA sa Davao City ang kanyang alok na pakikipag-usap, kanya na lamang idadalangin na wala na sanang mamatay at ipauubaya na lamang ang mga susunod na kaganap sa Armed Forces of the Philippines at sa Poong Maykapal.-DCR

 

Advertisements