Andanar at Inquirer reporter nagkainitan sa presscon

17

Nagkainitan sina Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar at ang Philippine Daily Inquirer reporter na si Marlon Ramos sa kalagitnaan ng press briefing na ginanap sa Malacañang kahapon.

Tila nagsimulang mapikon si Andanar matapos tanungin ng mga miyembro ng Malacañang Press Corps. tungkol sa sinabi ng kalihim na pag-aalok ng $1,000 suhol para sa mga Senate reporter kapalit ng coverage ng press briefing na ginawa ni SPO3 Arthur Lascanas noong Lunes ng umaga.

Ang isyu nang tangkang panunuhol sa mga Senate reporter ay pinalutang ni Andanar sa programang Balitaan ng CNN Philippines habang siya ay kinakapanayam ng mamamahayag na si Pinky Webb noong Lunes. 

” Alam niyo, lahat po ng time na ito, yung ingay sa social media about the diumano’y yaman ng ating Pangulo, tapos ito ngayon, itong Davao Death Squad, puro rehash kasi ito Pinky, at sa amin, para sa akin din, ito ay in preparation for that march, for the protest rally that they are planning this coming February 25. Kaya ito po ay kasama na rin po sa plano, at mayroon din po tayong mga natanggap na mga report, Pinky, na as much as 1,000 dollars ang ipinamigay dito sa presscon na ito, hindi ko na lang po papangalanan yung aking source, pero mayroon daw pinagbibigyan ng ganito kalaking halaga ng pera para lamang i-cover ito,” pahayag pa ni Andanar sa programang Balitaan. 

 

Dahil sa nasabing pahayag ng kalihim kaya tinanong ito ni Ramos tungkol sa isyu.

Sa kabila nito, imbes na sagutin ng direkta ay idinahilan ni Andanar ang hindi umano niya pagiging bihasa sa paggamit ng Tagalog at mas magaling umano siya sa pagsasalita ng Bisaya upang palabasin na maaaring nagkamali lamang siya ng salita.

Dahil dito tinanong naman si Andanar ni Ramos kung nagkaroon siya ng validation sa impormasyon na kanyang nakuha bago ito isiniwalat partikular na sa currency ng sinasabi niyang suhol. 

Itinanong din ni Ramos kung ano ang batayan ni Andanar sa patuloy na pagsasabi tungkol sa mga tangkang destabilisasyon sa administrasyong Duterte sa kabila nang itinatanggi na nina National Security Adviser Hermogenes Esperon at Defense Sec. Delfin Lorenzana ang naturang impormasyon.

Sagot naman ni Andanar sa mamamahayag, huwag sana silang pagsabungin ng Inquirer reporter.

Dito na nagkainitan ang dalawa. Tanong ni Andanar sa Inquirer journo kung patas ba ito sa lahat ng kanyang isinusulat na agad namang tinugon ni Ramos ng oo. 

“As a reporter, as a reporter, you were an ambassador of your newspaper,” pagtatapos ni Andanar. 

pdi-and-andanar

PCO Sec. Martin Andanar and Inquirer reporter Marlon Ramos shakes hand after their heated exchange during a press briefing in Malacañang (Photo from PTV)

Bagama’t nagkainitan ang dalawa ay nilapitan din naman ng kalihim ang mamamahayag saka nagkamay ang mga ito matapos ang press briefing.

Bago ang salpukan nina Andanar at ng Inquirer reporter ay una nang umalma ang mga Senate reporter sa alegasyon ng kalihim.

Matapos ang kanyang interview noong Lunes sa CNN Philippines ay agad na tinawag ng mga mamamahayag na nagko-cover sa Senado na fake news ang ipinakalat na impormasyon ni Andanar.

Ayon pa sa mga Senate reporter, pagtanggap ng suhol o mga katulad nitong gawain ay hindi nila kinukunsinti sa kanilang hanay.-DCR

 

 

 

Advertisements