#ProtectBenhamRise | Oceana Philippines nanawagan sa mabilis na pagbuo ng Benham Rise management framework

10

All photos courtesy of OCEANA 

Nanawagan ang Oceana Philippines sa gobyerno para sa agarang pagbuo ng Benham Rise management framework.

Ang apela ay ginawa ng grupo kasunod nang napaulat na pagtungo ng ilang Chinese surveillance ship sa Benham Rise. 

Ang tinutukoy na management plan ng grupo ang siyang magiging basehan para maprotektahan ang biodiversity ng bagong teritoryo ng bansa kasama na ang pag-regulate sa pangingisda sa Benham Rise.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang konsultasyon na ginagawa ng gobyerno para sa pagbuo ng management framework sa pangunguna ng  Department of Environment and Natural Resources- Biodiversity and Management Bureau (DENR-BMB). Maging ang Senado ay nagsasagawa pa rin ng mga serye ng pagdinig para sa pinaplanong pagbuo ng Benham Rise Development Authority.

Ang management framework para sa Benham Rise ang magsisiguro na mapaparusahan ang mga magtatangkang sirain ang yamang dagat sa lugar tulad ng mga ilegal na mangingisda at poacher.

Ayon kay Oceana Philippines Vice President Atty. Gloria Estenzo Ramos, kinikilala ng kanilang grupo ang mahalagang papel ng Benham Rise para sa food security, climate change adaptation at para sa pagtugon sa iba pang pangangailangan ng mga Pilipino.

Aniya, kailangan na mabilis tugunan ng gobyerno ang usapin sa Benham Rise at protektahan ito laban sa mga banta tulad ng ilegal at sobrang pangingisda at pagpasok ng mga dayuhan.

“We urge the government to expedite the formulation of the management framework for Benham Rise to protect and sustainably manage it. Benham Rise is an important marine resource for the Filipinos, and holds tremendous potential for discovering more unique species and outstanding samples of marine resources.  We need to prioritize its protection, including the pristine Benham Bank as a no-take zone,” pahayag ni Ramos. 

Kahapon ay ibinunyag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kanilang namataan ang pagtungo ng mga survey ship ng China sa bagong teritoryo ng bansa. 

“One of the Chinese survey ship is plying the Benham Rise already last year. It was monitored for about three months doing that so we have ordered the Navy if they will see this service ship this year, start to accost them and ilayo sa eastern side of the Philippines,” pahayag ng kalihim. 

Ang Benham Rise ay matatagpuan sa gawing kanluran ng bansa na nakaharap sa Pacific Ocean. Ayon sa mga eksperto, aabot ang laki nito sa mahigit 13 milyong ektarya.

Malapit ito sa lalawigan ng Aurora at Isabela ang Benham Rise ay teritoryong iginawad bilang bahagi ng continental shelf ng Pilipinas noong  April 12, 2012 matapos matagumpay na maidepensa ng bansa ang petisyong inihain nito sa  United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf (UNCLCS).-DCR

________________________________________________________

WANT TO KNOW MORE ABOUT BENHAM RISE?  CHECK OUT THIS PRIMER FROM OCEANA PHILIPPINES!!! 

                                              OCEANA Benham Rise primer

Oceana

Advertisements