‘Freedom of navigation’ sa Benham Rise iginiit ng China

Iginiit ng China ang ‘freedom of navigation’  nito matapos mapaulat ang ginawang paghimpil ng kanilang surveillance ship sa Benham Rise na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas na nakaharap sa Karagatang Pasipiko.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesman Geng Shuang, dumaan nga ang kanilang research ship sa karagatan na may hilagang silangan ng Luzon noong nakaraang taon. Sa kabila nito hindi naman inamin ng opisyal ang tunay na layunin nang pagdaan doon ng kanilang barko.

“But this is purely carrying out normal freedom of navigation and right of innocent passage, and there were no so-called other activities or operations,” pahayag ng opisyal. 

Sinabi pa Shuang na hindi tumutugma sa katotohanan ang mga pahayag ng mga opisyal dito sa Pilipinas tungkol sa pangyayari.

“Comments from individuals in the Philippines on this do not accord with the facts,” pahayag ni Shuang.

Ang pahayag ng China ay kasunod ng pagbubunyag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana tungkol sa impormasyon na namataan umano ang surveillance ship ng mga Tsino sa Benham Rise noong nakaraang taon. 

Nagpahayag din ng pagkabahala ang Malacañang sa nasabing insidente.

“We are concerned about the presence of a Chinese ship in Benham Rise, which has been recognized by the United Nations as part of the Philippines,” pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Ayon pa naman Lorenzana, inabisuhan na nila ang Department of Foreign Affairs hinggil sa insidente. Sinabi ng kalihim na nabanggit sa kanya ni dating Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay ang pagpapadala nito ng note verbale sa Chinese Embassy subalit itinanggi lamang ng Chinese ambassador sa bansa ang insidente.

Sa panig naman ng Malacañang una nang sinabi ni  Abella na igigiit ng bansa ang soberanya nito sa Benham Rise.

Ang Benham Rise ay teritoryong iginawad bilang bahagi ng continental shelf ng Pilipinas noong  April 12, 2012 matapos matagumpay na maidepensa ng bansa ang petisyong inihain nito sa  United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf (UNCLCS).

Noong 2014 at 2016 ay nagpadala na ang gobyerno sa pangunguna ng Department of Science and Technology, Bureau of Fisheries and Natural Resources at University of the Philippines ng mga mananaliksik upang pag-aralan ang nasabing teritoryo ng bansa.-DCR

Advertisements