“KILALA MO BA AKO?”| NAIA employee pinagsisigawan ni Sandra Cam

Sandra Cam.jpg

Losing senatorial candidate Sandra Cam (Photo courtesy newscentral.ph/Thirdy Gonzalgo)

Pinagsisigawan nang natalong senatorial candidate at dating whistleblower na si Sandra Cam ang ilang kawani ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa hindi umano pagbibigay sa kanya ng VIP treatment.

Base sa ulat ng Philippine Daily Inquirer na nagmula sa report ng Manila International Airport Authority (MIAA), nagsimula ang insidente nang dumating si Cam sa NAIA para sa kanyang flight patungong Masbate noong Pebrero 16.

Sa ulat si Cam ay inihatid sa VIP lounge ng isang NAIA police, bilang protocol naman ay hiningian ng isang babaeng MIAA employee ng valid government si Cam para sa record’s purpose sa pag-aakalang si Cam ay isang opisyal ng gobyerno. 

Ayon sa ulat ng MIAA, walang dalang valid ID si Cam at ang naipakita lamang nito ay isang credit card na nagtataglay ng kanyang pangalan. Kasunod nito ay sinabi umano nito sa kausap na MIAA employee na wala siyang dalang government ID at sa loob ng tatlong buwan ay maipupwesto na siya bilang miyembro ng gabinete.

Dahil dito ay ipinaalala ng MIAA employee kay Cam na may P1,120 na kailangang bayaran sa paggamit ng VIP lounge. Ang halagang ito ayon sa MIAA employee ay maaaring hindi na singilin sa isang opisyal ng gobyerno bilang tanda ng courtesy dito. 

Matapos sulatan ang form para kay Cam, kinailangang kausapin ng MIAA employee si Cam para sa kanyang pirma. Dito na umano nagtanong ang natalong senatorial candidate kung para saan ang form. 

Matapos ipaliwanag kung para saan ang form at ipaalala ang halagang kailangan niyang bayaran, dito na umano nagsimulang mainis si Cam at sinabing isa siyang ‘high risk person’ kasabay nang pagkwestyon kung bakit kailangan niyang magbayad sa paggamit ng VIP lounge. Hindi pa nakuntento dito, iniutos ni Cam na makausap ang manager ng MIAA employee.

Nagreklamo si Cam sa manager tungkol sa hind umano maayos na pagtrato sa kanya ng MIAA employee.

Sa kasagsagan nang pakikipag-usap ni Cam sa manager ay hinarap nito ang babaeng empleyado ng MIAA at itinanong dito kung hindi ba siya nakikilala nito.

“Alam mo hija, may kausap ako sa telepono. Kilala mo ba kung sino ang kausap ko? Nakikipag-usap ako kay (Secretary) Bong Go. Kilala mo ba ako? Kung hindi hanapin mo ako sa Google. Sinabi ko na sa’yong wala akong government ID dahil sa loob lamang ng tatlong buwan ia-appoint ako bilang miyembro ng Cabinet,” pasigaw na sabi ni Cam. 

Hindi pa umano nakuntento dito si Cam at patuloy na sinigawan ang MIAA employee.

Dahil sa pangyayari at para mapakalma ang mainit na sitwasyon ay humingi na lamang ng paumanhin ang MIAA employee at manager.

Makaraang kumalma ang sitwasyon ay muling ipinaliwanag ng manager kung bakit kailangang magbayad ni Cam nang nasabing halaga. 

Dahil dito hiningi ni Cam ang ID ng manager at ng babaeng MIAA employee na una na nitong sinigawan saka kinuhanan ng litrato gamit ang kanyang mobile phone. Sa halip na ibalik ang ID ng babae ay itinapon ito  sa sahig ni Cam pagkatapos.

Hindi naman nabanggit sa ulat kung nagbayad nga ba si Cam ng halagang dapat nitong bayaran para sa paggamit ng VIP lounger.

Sa kabila ng insidente ay maayos pa ring tinrato ng mga empleyado ng MIAA sa Cam at sinabing boarding na ang flight nito patungong Masbate.

Bukas din ang panig ng The Manila Journo para sa pahayag ni Cam na ayon sa Inquirer ay hindi sinagot ang kanilang mga text at tawag.-DCR

 

Advertisements