Justice Carpio: Benham Rise hindi sakop ng ‘national territory’ ng Pilipinas

Benham1

Benham Rise (Insert Photo is Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio)

Hindi sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang Benham Rise.

Ito ang ipinaliwanag ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.

Nilinaw ni Carpio na bagama’t hindi sakop ng national territory ng bansa ang Benham Rise, tanging ang Pilipinas lamang ang maaaring magsaliksik at gumalugad sa kahit anong likas yaman sa nasabing lugar.

Si Carpio ay kabilang sa delegasyong ipinadala ng bansa sa The Netherlands, partikular sa United Nation’s Permanent Court of Arbitration kaugnay sa kasong inihain ng Pilipinas laban sa China tungkol sa isyu sa West Philippine Sea.

Ayon pa sa mahistrado, hindi maaaring magsagawa ang China o ang kahit anong bansa ng exploration o kahit oceanographic surveillance sa Benham Rise dahil ito ay bahagi ng extended continental shelf ng bansa na iginawad sa Pilipinas ng UN Commission on the Limits of the Continental Shelf (UNCLCS).

“We have sovereign rights over it because we have exclusive right to explore and exploit the oil, gas and other mineral resources in the area,” pahayag ni Carpio. 

Sa kabila nito sinabi ng mahistrado na maaaring magsaliksik ang anumang bansa kasama na ang China hinggil sa lalim ng dagat sa Benham Rise lalo na kung ito ay para maging daanan o himpilan ng kanilang mga submarine. Ayon kay Carpio, ito ay bahagi ng ‘freedom of navigation’ ng sinumang bansa.

Maging ang pagsasaliksik tungkol sa mga isda at tubig sa lugar ay maaari ring umanong gawin ng China dahil hindi naman ito ekslusibong pag-aari ng Pilipinas.

“If the Chinese vessels were looking for submarine passages and parking spaces, that would be part of freedom of navigation and the Philippines has no reason to complain. If the Chinese vessels were conducting seismic surveys to look for oil, gas and minerals, then they could not do that because UNCLOS [UN Convention on the Law of the Sea] has reserved the oil, gas and minerals in the ECS to the Philippines.”

‘‘Other states, like China, have the right to conduct in Benham Rise (1) fishery research because the fish in the ECS belongs to mankind; (2) surveys on water salinity and water currents because the water column in the ECS belongs to mankind; and (3) depth soundings for navigational purposes because there is freedom of navigation in the ECS,” pahayag pa ni Carpio.

Ayon sa mahistrado, ang kailangang alamin ngayon ng gobyerno ay kung nagtungo ba ang China sa lugar para mag-surveillance hinggil sa posibleng likas na yamang taglay ng lugar.

Ang Benham Rise ay isang underwater plateau na tinatayang mas malaki pa kaysa sa kabuuang ng Luzon.

Sagana ang lugar sa mga yamang dagat, bukod pa ang sinasabing deposito ng mga mineral at natural gas na taglay nito.

Ang Benham Rise ay teritoryong naging bahagi ng extended continental shelf ng bansa noong April 2012 matapos maipanalo ng Pilipinas ang petisyong inihain nito sa  UNCLCS noong 2009.-DCR

 

Advertisements