AFP KINUMPIRMA | Abu Sayyaf leader at lima pang bandido patay sa engkwentro sa Bohol

Abu

Killed Abu Sayyaf leader Abu Rami 

Patay ang anim na miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf kabilang na ang isa sa mga sinasanay sanang maging lider nito matapos ang engkwentro kahapon sa Brgy. Napo, Inabanga, Bohol.

Ito ang kinumpirma ngayong araw ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nakilala ang lider ng mga lumusob na si Muamar Askali alyas Abu Rami.

Kabilang si Rami sa mga napatay matapos ang paglusob doon ng kanyang grupo.

Apat  naman ang patay sa panig ng gobyerno kabilang na ang tatlong sundalo at isang pulis.

Tinawag ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na isang “major blow”  sa panig ng mga bandido ang pagkakapatay sa mga kasamahan nito kabilang ang isa nitong lider.

“If they have further plans to kidnap innocent people somewhere, they will now have to think twice,” pahayag pa ng opisyal.

Si Rami ang itinuturong responsable sa pagdukot sa isang Pilipinas, dalawang Canadian at isang Norwegian noong Setyembre 2015 sa Samal Island.

Hinala ng AFP, nagtungo ang grupo ni Rami sa Inabanga upang magsagawa rin ng katulad na aktibidad.

Kahapon ay lumusob ang hindi bababa sa 10 miyembro ng Abu Sayyaf sa lugar sakay ng tatlong bangkang de motor.

Ayon sa mga awtoridad, sa tulong ng mga residente sa lugar at ng lokal na pamahalaan kung kaya agad na nakapagsagawa ng operasyon ang militar at pulisya na nagbunsod sa madugong bakbakan.

Hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang clearing operation ng mga tropa ng gobyerno sa lugar.

Dahil naman sa operasyon ay napilitang lumikas muna pansamantala ang hindi bababa sa 1,000 pamilya.-DCR

 

Advertisements