Paa ng mga pulis at dating mga adik huhugasan ni Cardinal Tagle

49

Photo courtesy of Archdiocese of Manila 

Sa isang pambihirang pagkakataon ay magsasama sa isang seremonya ng Simbahang Katoliko ang mga pulis, mga dating adik sa droga at mga kaanak ng mga nabiktima ng extra judicial killings (EJK). 

Bukas Huwebes Santo ay nakatakdang hugasan ng paa ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang nasa 12 katao na gaganap bilang 12 apostoles ni Hesus.

Ang aktibidad ay gagawin dakong 5:00 ng hapon sa Manila Cathedral bilang bahagi ng misa ng pagtatakipsilim at huling hapunan ng Panginoon.

Kabilang sa mga huhugasan ng paa ni Tagle ay mga pulis, dating adik sa droga, pamilya ng mga biktima ng EJK, opisyal ng gobyerno at volunteer. Dalawang tao ang isinama sa bawat kategorya para mabuo ang 12. 

Sa naturang aktibidad ay inaalala ng Simbahan ang ginawang paghuhugas ni Hesus sa paa ng kanyang mga apostoles bilang tanda ng kababaang loob nito. 

Ito ang unang Mahal na Araw na ginugunita ng Simbahang Katolika dito sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan na ang Simbahan ay mariin ang pagkundena sa inilunsad na war on drugs ng gobyerno kung saan sinasabing umaabot na sa 7,000 ang mga napapatay dahil sa nagaganap na EJK.-DCR

 

Advertisements