#RealNumbersPH | Totoong numero at mga datos ng ‘war on drugs’ ilalahad

Real numbers

Ilalatag ng administrasyong Duterte ang mga numero sa likod ng nagpapatuloy nitong ‘war on drugs’. 

Bukas ay nakatakdang ilunsad ng gobyerno ang “#RealNumbersPH”.

Kasama sa mga ahensyang tutulong dito ay ang Phirlippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga ahensya sa ilalim ng Presidential Communication and Operations Office (PCOO).

Sa kasalukuyan ay sinasabing nasa mahigit 7,000 katao na umano ang napapaslang dahil sa kampanya laban sa droga.

Sa kabila nito base sa datos ng PNP, mula noong July 1, 2016 hanggang March 24, 2017ay nasa 6,011 lamang na mga pagpatay ang kanilang naitala.

Sa naturang bilang mula sa Directorate for Investigation and Detective Management ng PNP ay nasa 1, 395 ang may kinalaman sa ilegal na droga. Ang nasa 3,786 na mga kaso naman umano ay patuloy pa ring iniimbestigahan tungkol sa naging motibo ng pagpaslang.

Sa gagawing forum ng mga ahensya ng gobyerno ay ibibigay din ng mga ahensyang katuwang ng PNP ang iba pang datos na may kinalaman sa kampanya nito laban sa bawal na gamot.

Base naman sa pinakabagong datos ng PNP para sa Oplan Double Barrel Reloaded nito mula March 1-April 20, 2017 ay nasa 279, 649 na ang kanilang napuntahan habang nasa 559, 030 ang mga bahay na kanilang muling binalikan para bisitahin at isailalim sa Oplan Tokhang.

Sa nabanggit din na mga petsa ay umabot na sa 85, 580 ang mga “tokhang responders” o mga tumugon sa panawagan ng pagsuko at pakiusap ng pulisya.

Aabot naman sa 10, 679 na mga personalidad ang naaresto sa nasa 6,659 na mga operasyon ng pulis na ikinasa simula noong Marso 1 habang nasa 145 katao ang napatay kasabay ng lehitimong operasyon ng mga pulis.

Layon ng Real Numbers PH na labanan ang mga maling datos at numero na inilalabas ng mga kritiko ng administrasyon patungkol sa laban kontra sa ilegal na droga.

Sa pamamagitan ng programa ay nais ilabas ng pamahalaan sa publiko at mga totoong numero sa kampanya kontra droga upang labanan ang mga naglalabasang maling impormasyon.

Kabilang sa mga magbibigay ng impormasyon bukas ay sina PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa, PNP Director for Operations Camilo Pancratius Cascolan, PNP Director for Investigation and Detective Management Augusto Marquez, Jr., PDEA Director General Isidro Lapeña, Health Secretary Paulyn Jean Ubial at DSWD Assistant Secretary Lorraine Marie Badoy. –DCR

 

Advertisements