BRP Davao del Sur | Bagong warship ng PH Navy parating na mula Indonesia

Parating na sa bansa ang pinakabagong barkong pandigma ng Philippine Navy. 

Ang barko na papangalanang BRP Davao del Sur (LD-602) ay inaasahang dadating sa bansa ngayong linggo matapos magsimulang maglayag ngayong araw mula sa Surabaya, Indonesia.

Ito ang pangalawa sa mga strategic sealift vessel na binili ng bansa mula sa Indonesia na nagkakahalaga ng P3.8B na bahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program.

Ang unang katulad nitong barko na pinangalanang BRP Tarlac ay dumating sa bansa noong Mayo 2016.

602

Ang barko ay ginawa ng state-owned ship building company na PAL Indonesia. Ang BRP Davao Del Sur ay kayang magdala ng hanggang sa tatlong helicopter bukod pa sa pagkakaroon nito ng sariling hangar.

Bukod sa pagkakaroon ng landing craft units ay may kakayahan din ang barko na magsakay ng higit sa isang batalyong sundalo.

Bukod sa gamit pandigma ay maaari din itong gamitin ng AFP sa kanilang mga operasyon tuwing may kalamidad at magsilbing cargo at transport vessel para sa relief goods at iba pang kagamitan ng militar.

Ayon sa PAL Indonesia, ang delivery ng barko ay mas maaga kaysa sa itinakdang deadline nito sa Hunyo. 

Inaasahan na mas magpapalakas sa kapabilidad ng Philippine Navy ang bagong barko sa gitna ng mga hamon na hinaharap ng AFP na bantayan ang mga teritoryo ng Pilipinas.-DCR

 

Advertisements