Ex-AFP chief Roy Cimatu bagong kalihim ng DENR

Cimatu.JPG

President Rody Duterte with former AFP Chief of Staff Roy Cimatu (Photo courtesy of Toto Lozano/Presidential Photo)

Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Roy Cimatu bilang bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Si Cimatu ay nanumpa ngayong araw kasabay nang paglagda ng Pangulo sa appointment papers nito bilang isang acting secretary.

Pinalitan ni Cimatu si dating DENR Sec. Gina Lopez na naalis sa pwesto matapos i-reject ng Commission on Appointments (CA)  ang pagtatalaga rito ng Pangulo.

Bukod sa mga miyembro ng CA, ay naging mahigpit din ang pagtutol ng mga mining company sa appointment ni Lopez. Ito ay matapos ipasuspinde ng dating kalihim ang operasyon ng ilang kumpanya ng minahan dahil sa mga paglabag sa batas at pang-aabuso sa kalikasan.

Bago italagang kalihim ng DENR, si Cimatu ay kasalukuyang special envoy for OFW concerns. 

Noong 2002 ay naging chief of staff si Cimatu sa pamumuno ng noong ay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Dahil sa pagkakaluklok ni Cimatu sa pwesto ay mapapasama siya sa mga dating opisyal ng AFP na kasalukuyang naninilbihan sa gabinete ni Duterte.

Kabilang sa kanila ay sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Irrigation Administration chief Ricardo Visaya at National Security Adviser Hermogenes Esperon. 

Bukod dito, si Cimatu ang ikalawang heneral mula sa AFP na mamumuno sa DENR na dati na ring hinawakan ng pumanaw na dating AFP chief of staff Angelo Reyes.-DCR

 

Advertisements