AFP Chief Año susunod na DILG secretary- PDU30

Ano

AFP Chief of Staff Eduardo Año

Ipinakilala na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang susunod na kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa kanyang anunsyo bago lumipad patungong Cambodia ngayong araw ay pinangalanan ng Pangulo si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año bilang susunod na kalihim ng DILG.

Si Año ay magreretiro sa kanyang serbisyo sa militar sa darating na Oktubre.

Matatandaan na sinibak sa pwesto ni Duterte ang kanyang kaibigan na si dating DILG Sec. Ismael Sueno matapos madawit sa alegasyon ng korapsyon. 

Kung matutuloy ang pag-upo ni Año bilang kalihim ay mapapabilang siya sa mga opisyal ng AFP na humahawak ngayon ng mga importanteng posisyon sa gabinete ni Duterte. 

Kasabay nito ay nagbiro pa ang Pangulo na tila kumpleto na ang kanyang military junta dahil sa napipintong appointment ni Año sa bago nitong pwesto.

 “Dadagdagan ko pa ng isang military, kumpleto na ‘yung junta,” pabirong pahayag ng Pangulo.

Kabilang sa mga retiradong heneral na kasama sa gabinete ng Pangulo ay sina Environment Sec. Roy Cimatu, Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon at National Irrigation Administration chief Ricardo Visaya.

Ang anunsyo naman ng Pangulo ay agad na pinalagan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).

Sa Facebook post ni BAYAN secretary general Renato Reyes, sinabi nito na ang pagtatalaga kay Año sa bagong pwesto kasunod ng pagtatalaga naman kay Cimatu bilang kalihim ng DENR ay isang nakababahalang gawain. Tinawag din ni Reyes na tila nagkakaroon na ng militarisasyon maging sa mga posisyon sa loob ng burukrasya.

“The appointment of Gen. Ano as DILG secretary right after the appointment of Gen. Cimatu as DENR secretary, points to a very disturbing trend of militarizing the bureaucracy. General Ano has a bloody human rights record during his stint at the AFP. He was implicated in the abduction of Jonas Burgos and was accused of human rights violations in the course of counter-insurgency operations. This is the kind of leadership he is expected to bring to the DILG,” pahayag ni Reyes.

Ilan sa mga isyung bumabalot sa pamamahala ni Año na hindi pa rin nasasagot at nareresolba hanggang sa kasalukuyan ay ang sinasabing kinalaman umano nito sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos noong 2007 na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.

Si Año ang pinuno ng AFP Intelligence Service noong panahon na maganap ang pagdukot.-DCR

Advertisements