Mocha Girls inalok ng trabaho sa gobyerno ni Pangulong Duterte

Inalok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sexy dance group na “Mocha Girls” na magtrabaho sa pamahalaan.

Ang alok ay ginawa ng Pangulo matapos niyang makasalamuha ang grupo sa Hong Kong.

Ang Pangulo ay nasa Hong Kong ngayong araw para makipagkita sa mga overseas Filipino worker. Nagkataon din na nagbabakasyon doon ang Mocha Girls kung kaya nagkita sila ng Pangulo sa isang dinner. 

“Gusto ninyo magtrabaho, OK lang.”  

“I-distribute ko kayo sa MTRCB (Movie And Television Review And Classification Board), sa—pero trabaho. Hindi kayo puwede mag-isang opisina. Masyadong maingay,” magkasunod na pahayag ng Pangulo habang kausap ang Mocha Girls. 

Nagpasalamat naman si Presidential Communications Operation Office Assistant Secretary Mocha Uson sa Pangulo dahil binigyan niya ng pansin ang kanilang grupo kahit na sila ay mga mananayaw lamang.

Positibo naman itong tinugon ng Pangulo at sinabing mga naiinggit lamang ang pumupuna lalo na sa pagkaka-appoint ni Uson sa bago niyang pwesto sa gobyerno.

“Inggit lang iyan. Inggit iyan sila na ikaw dumating doon. Sabi ko, ‘Ako, I decided to employ her.’ Saka sinabi ko ay utang na loob ako? What’s wrong in paying?’ Tutal ako naman ang may-ari ng Malacañang ngayon,” pahayag pa ng Pangulo habang kausap si Uson at ang grupo nito. 

Sinabi pa ng Pangulo na dapat naroon ang Mocha Girls kung saan siya nagpupunta upang magbigay kasiyahan sa mga Pilipinong kanyang binibisita.

“Dapat kayo ang magpaligaya ng mga Pilipino. Kung saan ako magpunta, dapat nandoon kayo kasi may mga Pilipino doon eh,” pahayag ng Pangulo. 

Matatandaan na umani ng kaliwa’t kanang batikos ang ginawang pagtatalaga ng Pangulo kay Uson sa PCOO. 

Bago naman matalaga sa nasabing pwesto ay naging board member din ng MTRCB si Uson.

Ayon kay PCOO Sec. Martin Andanar, si Uson ay magiging katuwang nila sa pagpapatakbo sa kanilang social media platforms upang mas direktang maiugnay at maipabatid ang mga mensahe ng Pangulo at programa ng gobyerno sa mga Pilipino.-DCR

Advertisements