Gilas Pilipinas, hari sa 12th SEABA Championship

PBA

Photo courtesy of PBA Media Bureau 

Muli na namang pinatunayan ng Pilipinas ang kanilang dominasyon sa basketball scene sa rehiyon matapos nilang sungkitin ang gintong medalya at payukuin ang Indonesia, 97-64, sa huling laro ng 12th Southeast Asian Basketball Association Championship na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.

Pinamunuan ni naturalized player Andray Blatche ang ratsada ng Gilas sa kanyang 21 points at 10 rebounds habang umayuda naman sina 2-time FIBA Asia Mythical Team member Jason Castro na nagtala ng 14 points, seven rebounds at five assists at 3-time PBA MVP na si June Mar Fajardo na may 13 points, four rebounds at two blocks.

Napanatili ng pambansang koponan ang kanilang malinis na kartada at tinapos ang torneyo na may anim na panalo. Sila lamang ang tanging koponan na tumalo sa Indonesia na mayroong 5-1 win-loss card.

Nagbida para sa Indonesia sina Wisnu na may 11 points, one rebound at four assists at Mario Wuysang na may 10 points, two rebounds at five assists.

At dahil sa kanilang tagumpay sa SEABA tilt, pinormalisa na rin ng pambansang koponan ang kanilang puwesto sa gaganaping 2017 FIBA Asia Cup kung saan kagrupo nila ang Australia, Chinese-Taipei at Japan na siyang magsisilbing qualifiers para sa 2019 FIBA World Cup.

Ito na ang ikawalong beses na naghari ang Pilipinas sa SEABA Championships na nagsimula noong 1994.

Sa kabuuan ng kompetisyon, pinarada ng Gilas ang kanilang buong pwersa at nagtala ng 58.6 points na winning margin. 

Sa kanilang unang limang laro, nilampaso nila ang Myanmar noong May 12 sa iskor na 147-40 na sinundan ng kanilang mga panalo laban sa Singapore, 113-66; Malaysia, 106-51; Thailand, 108-53 at Vietnam, 107-52. (Manuel Cinco) 

 

Advertisements