MARAWI UNDER ATTACK | Mga miyembro ng Maute umatake sa Marawi City

 

Inatake ng mga miyembro ng Maute group ang Marawi City sa Lanao Del Sur ngayong hapon.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nagpapatuloy ang palitan ng putok sa iba’t ibang bahagi ng syudad sa pagitan ng mga bandidong grupo at mga sundalo.

Sa pinakahuling impormasyon na nakuha ng Manila Journo ay napasok na ng Maute group ang Amai Pakpak Medical Center.

Dinig na dinig na din ang putukan malapit sa Mindanao State University.

Sa mga paunang ulat, nabatid na nagsimula ang putukan pasado 2:00 kaninang hapon sa Brgy. Basak Malulut. 

Nabatid na nagsasagawa ng isang law enforcement operation ang mga sundalo sa lugar nang salubungin sila ng mga putok ng baril.

Sa ngayon ay hirap pa ring makakilos ang mga tauhan ng gobyerno sa lugar.

May ilang ulat na nakapag-set up na rin ng check point ang Maute sa iba’t ibang kalsada at kinubkob na rin ang iba pang bahay doon. Bukod dito ay nakuha na rin umano ng grupong Maute ang Marawi City Police Station at ang Marawi City Jail.

Sa ngayon ay naitaas na rin umano ng grupong Maute ang bandila ng ISIS sa iba’t ibang lugar sa naturang lungsod.

Patuloy naman ang operasyon ng Armed Forces of the Philippines hanggang sa mga sandaling ito.-DCR

 

Advertisements