MATAPOS ANG HIGIT ISANG DEKADANG SERBISYO | PTV-4 news anchor tanggal sa pwesto

 

 

 

 

Kathy

 

Two day notice kapalit ng mahigit isang dekadang serbisyo. 

Ganito mailalarawan ang paraan nang pagsibak ng People’s Television Network (PTV-4) sa kinikilalang mukha ng istasyon pagdating sa paghahatid ng balita.

Hindi na binigyan pa ng pagkakataon ng pamunuan ng PTV-4 ang beteranong news anchor nitong si Kathy San Gabriel na makapagpaalam sa kanyang mga manonood at tagasuporta bago ito tuluyang sinibak sa pwesto. 

Sa impormasyong nakuha ng Manila Journo, tuluyang sinibak ng pamunuan ng PTV-4 si San Gabriel dahil sa hindi malinaw na dahilan.

Nabatid na noon lamang nakaraang Miyerkules (Hunyo 28) sinabi ni PTV-4 General Manager Dino Apolonio sa mamamahayag na hindi na ire-renew ng istasyon ang kontrata nito na nakatakdang matapos ngayong araw Hunyo 30.

Binasag ni San Gabriel ang kanyang pananahimik kagabi sa pamamagitan ng social media matapos niya mismong kumpirmahin ang malungkot na balita para sa kanyang mga tagasubaybay.

Bago nito ay inaasahan na mapapanood pa sana si San Gabriel ngayong gabi sa huling pagkakataon sa primetime news program ng PTV-4 subalit kaninang umaga ay muli siyang pinadalhan ng mensahe ng kanyang kasama sa network. 

Nais sanang kunin ng mamamayahag ang pagkakataon para makapagpasalamat sa lahat ng katrabaho, kaibigan, pamilya at tagasubaybay na sumuporta sa kanya habang nasa PTV-4. Subalit matapos maging maingay at mainit ang pagkalat ng balita nang pagsibak nila kay San Gabriel sa pwesto, nagdesisyon ang PTV-4 management na hindi na payagan pang sumalang sa newscast ang mamamahayag sa huling pagkakataon.

Sa isang text message na ipinadala sa Rappler, sinabi Apolonio na hindi na ipinagpatuloy pa ng PTV-4 ang kontrata ni San Gabriel dahil hindi ito kasama sa mga nais nilang pagbabago sa programang pambalitaan ng network. 

Sa kapareho ding artikulo sinabi ni San Gabriel na Abril pa lang ngayon taon ng una niyang malaman na may mga tao sa news department na nais siyang matanggal sa pwesto.

Bagay na itinanggi naman umano ni PTV News Department Head Edgar Reyes nang tanungin ito mismo ni San Gabriel.

Bukod kay San Gabriel ay ilang reporter na rin ang sinasabing umalis sa PTV-4 dahil sa alegasyon ng ‘palakasan system’  sa loob mismo ng news department.

Sa Facebook post ni dating PTV-4 news anchor Kirby Cristobal, tahasan nitong sinabi na buhay na buhay na naman ang palakasan sa dati niyang departamento.

Kasabay nito ay pinabulaanan din ni Cristobal na sinibak siya sa pwesto. Sa isa pa ulit na Facebook post ay sinabi ng dating news anchor na siya mismo ang nag-resign sa kanyang dating posisyon dahil sa pagkadismaya sa nangyayaring kalakaran sa loob ng PTV-4. 

Napanood si San Gabriel sa PTV-4 sa loob ng 11 taon. Bago nito ay napanood din ang magaling na news anchor sa ABSCBN at napakinggan sa DZMM. 

Nagtapos si San Gabriel ng kursong BA Broadcast Communication sa University of the Philippines Diliman.

Maliban kay San Gabriel ay sinibak din ngayong taon ng PTV-4 ang kilalang historian na si Xiao Chua kasama ang kanyang segment na It’s Xiao Time. 

Ang PTV-4 ay isang government run TV network na nasa ilalim ng Presidential Communication and Operations (PCOO) Office na pinamumunuan naman ni Secretary Martin Andanar.(DCR)

 

Advertisements