Ozamiz City Mayor Aldong Parojinog at asawa patay sa raid ng CIDG

Parojinogs.jpg

Ozamiz City Mayor Reynaldo Aldong Parojinog and Vice Mayor Nova Parojinog 

Napatay ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) si Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” O. Parojinog at kanyang asawa na si Susan Parojinog matapos ang raid na ikinasa ng mga awtoridad sa bahay ng alkalde kaninang pasado 2:00 ng madaling araw. 

Bukod sa alkalde at kanyang asawa ay patay din sa pagsalakay ang ilang tauhan ng pamilya Parojinog.

Arestado naman sa naturang raid ang kanilang anak na si Vice Mayor Nova Parojinog Echaves.

Sa panayam ng Superadyo DZBB ngayong umaga kay Misamis Occidental police chief Senior Superintendent Jaysen De Guzman, sa inisyal umanong imbestigasyon ay nasa 12 na ang patay sa pagsalakay.

Ikinasa umano ang raid sa bisa ng isang search warrant kaninang madaling araw.

Aniya, pagdating sa compound ng mga Parojinog ay sinalubong ang pulisya ng putok ng mga baril kaya napilitan na ring lumaban ang mga ito.

Sa ulat naman mula sa Philippine Information Agency Region 10, nakasamsam ang pulisya ng iba’t ibang uri ng armas, granada at shabu mula sa bahay ng mga Parojinog.

PIA 10.JPG

Matatandaan na kabilang ang mga Parojinog sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa droga at nagtataglay ng maraming armas.

Noong kalagitnaan ng Agosto 2016 ay hindi bababa sa 20 matataas na kalibre ng armas ang isinuko ng pamilya Parojinog bilang pagtalima sa direktiba ng PNP.

Kasabay nito ay binawi rin ng National Police Commission ang pribilehiyo ni Mayor Aldong na magtalaga ng local police chief ng syudad.

Bago nito ay ibinulagar mismo ng Pangulo pagiging magkasintahan nina Vice Mayor Nova at ng kilalang drug lord sa New Bilibid Prison na si Herbert “Ampang” Colangco.-DCR

 

Advertisements