Harry Roque, nagpositibo sa COVID-19

Nagpositibo sa COVID-19 si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque. 

Ang kumpirmasyon hinggil sa lagay nang kanyang kalusugan ay ginawa mismo ng kalihim ngayong araw kasabay nang pagsasagawa nito ng press briefing. 

Ayon kay Roque, asymptomatic ang kanyang kalagayan sa ngayon. “Wala po akong nararamdaman, I’m asymptomatic. I’m very much shocked and surprised na bigla ako nag-positive.” 

Sumailalim umano ang kalihim sa swab testing kahapon, araw ng Linggo bilang bahagi ng protocol para sa pagdalo niya sa isang pulong kasama ang Pangulo ngayong araw. Sa kabila nito pasado 11:00 ng umaga kanina nang makuha niya ang resulta ng swab test kung saan lumabas na siya ay positibo sa coronavirus.

roque1
Presidential Spokesman Harry Roque is still working inside his office after he made confirmation that he contracted COVID-19. (Photo from Harry Roque Facebook Page)

 

Sinabi ni Roque na nais niyang manatili sa isang quarantine facility. Paliwanag niya, kung lalabas na positibo din ang kanyang asawa sa swab test na ginawa dito ay magkasama silang magka-quarantine sa isang pasilidad ngunit kung lalabas na siya lang ang positibo ay kailangan niya pa rin umano sumailalim sa isolation sa isang quarantine facility. 

“I’m inclined to go to an isolation facility, may comorbidity rin ang misis ko…if she turns out positive also, magi-isolate kami magkasama. But if [my wife tests] negative today, I intend to go to an isolation facility because we need to walk the talk: as much as possible, sa quarantine facility tayo.” 

Sa kabila nang kumpirmasyon na siya ay positibo sa coronavirus sinabi ni Roque na tuloy lamang ang trabaho niya. Bagama’t hindi umano siya pisikal na makakadalo sa mga meeting ay imo-monitor umano niya ito online. Ayon pa kay Roque, magpapatuloy pa din ang pagbibigay niya ng press briefing sa pamamagitan ng zoom. 

Sa isang litratrong ipinaskil sa Facebook Page ng kalihim ay makikita si Roque na nakaharap sa isang laptop at nagta-trabaho sa kanyang tanggapan sa kabila nang pagkakaroon nito ng COVID-19. (DCR-TMJ)

 

Leave a comment