Unified curfew hours sa NCR simula na ngayong araw

Simula ngayong araw ay ipatutupad na ng mga lokal na pamahalaan sa buong Metro Manila ang pinag-isang oras ng curfew kasunod nang patuloy na pagdami sa bilang ng mga nagkakasakit sanhi ng COVID-19.

Base sa napagkasunduan ng mga alkalde ng 16 na lungsod at isang bayan sa National Capital Region, ang curfew ay ipatutupad simula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga. 

Tatagal ang implementasyon ng unified curfew hours sa loob ng dalawang linggo ayon sa napagkasunduan ng Metro Manila Council.  

CURFEW EXEMPTION

Sa bagong kalatas na inilabas ng Philippine National Police ay mayroon namang mga indibidwal na papayagang makalabas ng bahay at hindi huhulihin kahit na sila ay inabutan na ng curfew sa labas ng kanilang mga tahanan. 

Kabilang sa mga exempted sa curfew ay ang mga medical worker na pauwi mula sa kanilang duty at maging ang mga papasok pa lamang sa mga pagamutan. 

Exempted din sa curfew ang mga construction worker na pauwi mula sa kanilang trabaho pati na ang mga papasok pa lamang.

Hindi rin sakop ng curfew ang mga tsuper ng mga delivery truck na naglalaman ng essential goods. Maging ang mga pasahero at kanilang tsuper na nagmula o papunta sa airport dahil sa kanilang mga flight schedule ay lusot din sa unified curfew hours. 

exempted

LIQUOR BAN

Bukod sa curfew ay magpapatupad na din ng liquor ban simula ngayong araw ang ilang lungsod sa Metro Manila. 

Kabilang sa mga nag-anunsyo na ng pagbabawal sa pagtitinda ng alak mula Marso 15-31 ay ang Quezon City, Pateros at Parañaque City. 

Ang mga hakbang na ito ay ipinatutupad ng mga lugar sa Metro Manila kasabay nang patuloy na pagtaas ng coronavirus infection. 

Sa pinakahuling datos mula sa Department of Health kahapon (Marso 14) ay umabot sa 4,899 ang mga naitalang bagong kaso ng COVID-19. Dahil dito ay umabot na 621,498 ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit sanhi ng coronavirus sa buong bansa. (DCR-TMJ)

Leave a comment