Dating Pangulong Noynoy Aquino pumanaw na

noy1
Former President Benigno Simeon Conjuango Aquino III (Photo courtesy of Gil Nartea/Malacañang Photo Bureau)

Pumanaw na ngayong araw si dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III sa edad na 61-taong gulang.

Sa opisyal na pahayag ng pamilya Aquino na binasa ng kanyang kapatid na si Pinky Aquino-Abellada, sinabi nito na ‘renal disease secondary to diabetes’, ang ikinasawi ng dating pangulo.

Ayon kay Pinky, ang dating presidente ay pumanaw habang natutulog bandang 6:30 ng umaga kanina.

Base sa mga impormasyon, naidala pa sa Capitol Medical Center sa Quezon City ang dating punong ehekutibo kung saan ito binawian ng buhay.Habang isinusulat ang balitang ito ay isinasaayos ang magiging burol ng dating pangulo sa The Heritage Park sa Taguig City.

Matapos mapabalita ang pagpanaw ni PNoy ay kaliwa’t kanang mensahe nang pagdadalamhati at pakikiramay ang ipinaabot ng mga kaibigan, kakilala at mga nakasama sa serbisyo ng dating pangulo.

Maging ang diplomatic community sa pangunguna ng European Union at United States Embassy dito sa Maynila ay agad na nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa sambayanan at sa mga naiwan ni PNoy.

Sa opisyal na pahayag naman ay ipinaabot ng Malacañang ang pakikidalamhati nito sa pamilya Aquino kasabay nang pagpanaw ng dating pangulo. Sa kanyang press briefing kaninang tanghali ay nag-alay ng sandaling katahikian si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque para sa pagpanaw ni PNoy.

Sa kanyang mensahe, ipinaabot mismo ni Pangulong Rodrigo Dutere sa pamilya Aquino ang kanyang pakikiisa sa sambayang Pilipino sa pagluluksa dahil sa pagkamatay ng dating Pangulo.

Hinikayat din ni Duterte ang lahat na isantabi ang pagkakahati-hati dahil sa pulitika at gamitin ang panahong ito upang magbigay respeto sa pumanaw na lider na ibinigay ang lahat ng kanyang makakaya para sa sambayanang Pilipino.

Si PNoy ay ipinanganak noong Pebrero 8, 1960 sa Sampaloc, Maynila.

Siya ay panganay na anak nina dating pangulong Corazon “Cory” Aquino at dating senador Benigno “Ninoy” Aquino.

Bago nahalal bilang ika-15 pangulo ng bansa, si PNoy ay nahalal munang kongresista para sa ikalawang distrito ng Tarlac noong 1998 at nanilbihan ng tatlong sunod na termino. Matapos nito noong 2007 siya ay nahalal naman bilang senador.

Sa ilalim ng kanyang liderato bilang presidente ng bansa ay pinangunahan ni PNoy ang napakaraming reporma sa gobyerno sa ilalim ng kanyang slogan na “Matuwid na Daan”. (DCR-TMJ)

Leave a comment