‘NCR plus’ isasailalim sa ECQ -Malacañang

Isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) simula Marso 29 (Lunes) ang buong Metro Manila kasama na ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan. 

Ang hakbang ay kinumpirma ng Malacañang batay na rin sa rekomendasyon ng Inter Agency Task Force  on the Management of Emerging Infectious Diseases. 

Sa kanyang anunsyo ngayong gabi sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang rekomendasyon ng IATF ay kasunod nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa partikular na sa Kalakhang Maynila at mga kalapit lalawigan nito.

Sa kabila nang paglalagay sa ‘NCR plus’ sa ECQ ay magpapatuloy naman ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon batay na din sa rekomendasyon at regulasyong ipatutupad ng Department of Transportation. 

Ayon kay Roque, ang mas pinahigpit na community quarantine status ay tatagal hanggang Abril 4. 

Kasabay nang muling pagpapatupad ng ECQ ay ang mas pinalawig na oras ng curfew. Ang bagong curfew hours ay tatagal mula 6:00 PM hanggang 5:00 AM. 

Bawal rin ang lahat ng dine in sa mga fast food at restaurant kahit pa al-fresco ang set up nito. Ayon kay Roque, tanging take out lamang ang papayagan habang ipinapatupad ang ECQ. 

Mananatili naman umanong bukas ang mga mall para magbigay ng mga importanteng serbisyo kagaya ng supermarket at grocery. 

Bukod sa transportasyon, magpapatuloy din ang mga konstruksyon sa mga pagawaing bayan ng pamahalaaan batay sa itinakdang alituntunin ng Department of Public Works and Highways. 

Sa meeting ng IATF ay nailahad din ang suhestyon para sa muling pagbibigay ng ayuda kung saan ipadadaan na ito direkta sa mga lokal na pamahalaan ayon sa suhestyon ng Deparment of Social Welfare and Development. 

Ang Department of Budget and Management ang maghahanap kung saan kukuhanin ang pondo para sa ayuda habang ang National Economic and Development Authority naman ang magtatakda ng mga guideline para sa kung posibleng mabibigyan ng panibagong bugso ng ayuda mula sa pamahalaan. 

Ngayong araw ay nakapagtala nang ikalawang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa loob ng isang araw ang Department of Health. Umabot sa 9,595 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw. Dahil dito ay umakyat na sa 712,442 ang kabuuang bilang ng coronavirus sa bansa. Sa naturang bilang ay aabot naman sa 118,122 ang mga aktibong kaso ayon sa DOH. (DCR-TMJ)

Leave a comment